Una sa Balita

Tanggap ba ng mga Pinoy ang pagbasura sa VFA?

0 357

Masaya ang grupong Bayan Muna sa pagbuwag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA). Giit ng grupo, long overdue ang VFA termination. Ginagamit lang daw itong excuse para sumawsaw ang Amerika sa usaping panloob ng Pilipinas.

Wala raw napala ang Pilipinas sa pagsandal sa Amerika sa nakalipas na 50 taon. Ginamit lang daw tayong ­launching pad sa mga nilunsad na giyera ng US sa kanilang mga kalaban. Sabi pa ng grupo, kung mahal tayo ng Estados Unidos, hindi sila magsasawalang bahala sa ginawang pananakop ng ­China sa West Philippine Sea. Wala rin umanong ginawa ang US sa ginawang pangha-harass ng China Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino. Ang inatupag lang umano ng Amerika ay mapalaki ang kalakal sa China.

Tanggap ba ng nakararaming Pilipino ang pananaw ng Bayan Muna? Wala pang survey tungkol sa ginawang pagbasura sa VFA. Pero noong 2019, nagsagawa ng survey ang ­Social Weather Station (SWS) at luma­bas na ang US ang pinagkakatiwalaan ng maraming Pinoy. Napanatili ng US ang excellent net trust ra­ting na +72, habang ang China bumagsak sa -33 sa September 2019 survey. Nakuha naman ng Australia ang +37, habang +35 naman ang Japan.

Kung gagawin ngayon ang survey, tiyak na mahal pa rin ng mga Pinoy ang Amerika at lalong kamumuhian nila ang China. Ang mga ­Chinese kasi ang ­nagpalala ng ­kidnapping at prostitusyon sa bansa. Halos kada linggo, nababalitaan natin ang mga ­sinasalakay na putahan na pinapatakbo ng mga ­Chinese. Inagaw din nila ang mga ­trabaho na dapat sana’y ­napunta sa mga Pinoy.

Iniiwasan din ng marami nating kababayan na ­mapadikit sa mga ­Chinese matapos pumutok ang ­coronavirus disease-19. Sa Hubei province sa China kasi nanggaling ang nakamamatay na virus at kumalat na sa mara­ming bansa.

Ang pinagkaiba lang ng China at Amerika, madaling lumipad at magtrabaho sa nasabing bansa sa Asya kumpara sa US na pahirapan ang pagkuha ng visa, lalo na ang makapagtrabaho doon. Pero marami sa mga Pinoy ang patuloy na nangangarap na makarating sa l­upain ni Uncle Sam.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More