Una sa Balita

Tanaw-balik sa mga lodi, alamat ng kagandahan

By
0 99

Maraming celebrities ngayon ang alam ng lahat na produkto ng beauty pageant.

Nandiyan sina Gloria Diaz, Pilar Pilapil, Melanie Marquez, Maria Isabel Lopez, Alice Dixson, Alma Concepcion, Charlene Gonzalez, Miriam Quiambao at Pia Wurtzbach.

Pero, alam niyo ba na marami rin sa mga sikat na artista ngayon ay galing din sa mga beauty pageant? Sila nga ang magagandang Pinay na matapos manalo o matalo sa isang beauty pageant ay sumubok mag-showbiz.

Kilalanin natin sila…

Liza Lorena: Gamit ang kanyang tunay pangalan na Elizabeth Ann Jolene Winsett, sumali ang 17 years old na si Liza sa 1966 Bb. Pilipinas at naging first runner-up ito. Dating PAL domestic flight stewardess, tourist guide at PTTA receptionist si Liza bago ito sumali ng beauty pageant.

Pagkatapos ng pageant, nakatanggap si Liza ng maraming movie offers at tinanggap niya ang alok ng Nepomuceno Films para sa pelikulang Dahil Sa Isang Bulaklak kunsaan bida sina Charito Solis at Ric Rodrigo. Ang naturang pelikula ang unang Philippine film na inilaban sa Best Foreign Language category ng Academy Awards in 1967.

Nanalo ng mga acting awards si Liza para sa mga pelikulang Miguelito: Batang Rebelde, Halimaw Sa Banga at Oro, Plata, Mata.

Ina si Liza ng aktor na si Tonton Gutierrez.

Elizabeth Oropesa: Sa edad na 15, sumali si Elizabeth Freeman sa Miss RP 1972 at napanalunan nito ang Miss RP Luzon title.

Pero dahil nalaman ng isang contestant na peke ang binigay na edad ni Elizabeth, binawi ang kanyang title at korona. Ang qualified age para sumali ng beauty pageant ay 18.

Ayon kay Elizabeth, ang ina niya ang nag-register sa kanya na sumali sa Miss RP at ito ang nandaya ng edad niya. Dahil malaking bulas si Elizabeth, pumasa ito bilang 18 years old.

Maganda naman daw ang naging kapalit ng pagbawi ng korona at mga premyo kay Elizabeth dahil dumagsa ang mga offer na maging artista siya.

1974 noong ma-introduce si Elizabeth together with Gloria Diaz sa pelikulang Ang Pinakamagandang Babae Sa Balat Ng Lupa ni Celso Ad Castillo. Isa ang aktres sa nagpauso ng “wet look” sa big screen.

Nagbida naman si Elizabeth sa 1975 film na Mister Mo, Lover Boy Ko na produced ni Jesse Ejercito. Naging multi-awarded film actress si Elizabeth para sa mga pelikula niyang Lumapit, Lumayo ang Umaga, Milagros, Bulaklak Ng Maynila, Laman at I, America.

Gina Pareno (Geraldine Ocura Acthley): Bago naging isa sa Star ’66 ng Sampaguita Pictures si Gina Pareno (real name Geraldine Acthley), sumali ito sa 1963 Miss Rose Queen of Mindanao, pero hindi siya pinalad na manalo.

Sunod na sinalihan ni Gina ay ang Miss Dance-O-Rama ng dance show na Dance-O-Rama kunsaan nanalo siya bilang Queen of the Day at Queen of the Week.

Noong pumirma na siya ng kontrata sa Sampaguita Pictures, una siyang lumabas sa pelikulang Sabina at naging leading lady siya ni Eddie Gutierrez sa Eddie Long Legs.

Dumaan sa pagiging komedyante hanggang sa makilala si Gina bilang serious dramatic actress sa mga pelikulang Elizabeth, Krimen: Kayo Ang Humatol, Bukas Luluhod Ang Mga Tala, Working Girl, Natutulog Pa Ang Diyos, Fatima Buen Story, May Nagmamahal Sa ‘Yo, Ploning, at Bakal Boys.

Nanalo naman ng acting awards si Gina para sa Kubrador, Kasal Kasali Kasalo at Serbis.

Tetchie Agbayani: Bilang Tetchie Visitacion Parado, sinalihan ng aktres ang dalawang major beauty pageants noong 1978 at 1979.

Unang sumali si Tetchie sa 1978 Bb. Pilipinas at umabot siya sa semi-finals. Pero napanalunan niya ang special awards na Best in Swimsuit and Miss Closeup Smile.

In 1979, sinubukan ni Tetchie ang kanyang suwerte sa Mutya ng Pilipinas at naging first runner-up siya.

Pinasok ni Tetchie ang showbiz at tinanggap niya ang mag-pose ng hubo’t hubad para sa German edition ng Playboy magazine noong 1982. Dito nagsimula ang pagkondena sa kanya ng ilang feminist group sa Pilipinas.

Dahil dito ay nagsimula ng kanyang career si Tetchie sa Hollywood kunsaan nagawa niya ang mga pelikulang The Emerald Forest (1985), Gymkata (1985), The Money Pit (1986) at ang Australian film na Rikky and Pete (1988).

Nanatiling aktibo pa rin si Tetchie sa showbiz at napapanood siya sa GMA-7 teleserye na Contessa.

Baby Delgado: Bago naging paboritong leading lady si Baby Delgado ng maraming aktor noong ’80s, nanalo muna ito bilang Mutya ng Pilipinas in 1976 gamit ang totoong pangalan niya na Maria Luisa Corazon Delgado. Pinadala si Baby sa Miss Asia Quest at naging third runner-up ito.

Noong mag-full blast sa showbiz si Baby, naging leading lady siya nila Chiquito (Asiong Aksaya, Takbo Peter Takbo), Christopher de Leon (Nakawin Natin Ang Bawa’t Sandali), Edu Manzano (Alaga), Tito, Vic & Joey (Palpak Connection), Rudy Fernandez (Pepeng Shotgun) at Dante Varona (Moises Ang Sugo).

Nanalo naman si Baby ng Best Supporting Actress para sa pelikulang Cain at Abel sa 1982 Gawad Urian.

Dina Bonnevie: Bago naging Regal Baby si Dina Bonnevie, naging contestant muna ito sa 1979 Miss Magnolia bilang si Geraldine Schaer Bonnevie.

Naging first runner-up lang si Dina pero dahil sa standout ang ganda nito, kinuha siyang mag-artista ng Regal Films at pinasok siya agad sa pelikulang Temptation Island.

Sumunod na taon ay pinagbida na si Dina sa pelikulang Katorse kunsaan pinareha siya kina Alfie Anido at Gabby Concepcion.

Isa sa may pinakamakulay na showbiz career at may kontrobersyal na personal na buhay si Dina.

Bukod sa kanyang pagiging award-winning actress (Tinik Sa Dibdib, Magdusa Ka), inabangan din ng marami ang kanyang lovelife, mula sa kanyang ex-husband na si Vic Sotto (kung kanino may dalawang anak siya na sina Oyo at Danica Sotto) hanggang sa present husband niya na si Deogracias Victor Savellano na 1st district representative ng Ilocos Sur.

Aurora Sevilla: Ang isa sa paboritong leading lady ng ilang action stars noong ’80s na si Aurora Sevilla ay produkto rin ng beauty pageant.

Noong 1983 ay nanalong Miss Press Photography si Aurora at sumunod na taon ay napanalunan niya ang korona bilang Mutya ng Pilipinas-World at lumaban siya sa Miss World 1984 in London.

Nang pasukin na nito ang showbiz in 1986, naging leading men niya nila Dante Varona (Bangkay Mo Akong Hahakbangin), Sonny Parsons (Shoot To Kill: Boy Bicol Ng Angeles), Bong Revilla (Chinatown: Sa Kuko Ng Dragon), Ronnie Ricketts (Tatak Ng Isang Api), Jess Lapid (Bawat Patak… Dugong Pilipino) at Phillip Salvador (Joe Pring: Homicide Manila Police).

Noong 2009 ay nahuli ang aktres na nagbebenta ng illegal na droga sa Mandaluyong City.

Joey Albert: Maniniwala ba kayo na bago naging sikat na singer noong ’80s si Joey Albert ay naging title holder din ito?

Taong 1982 noong maging contestant at manalo si Joey Albert (Maria Josefina Albert in real life) sa isang semi-beauty contest on TV called Dream Girl Filipina. Pa-beauty contest ito sa show ni Ariel Ureta na The Party sa BBC 2.

Pagkatapos manalo ni Joey, doon na nagsimula ang kanyang music career, una bilang miyembro ng The New Mistrels (3rd generation) hanggang sa maging solo artist ito at tinanghal na isa sa pinaka-successful na OPM artist ng ’80s and ’90s.

Nakagawa ng 20 studio albums si Joey at siya ang kauna-unahang Pinoy singer na magkaroon ng CD album.

Kabilang sa mga big hit singles ni Joey ay ang Tell Me, I Remember The Boy, Iisa Pa Lamang, Points of View, A Million Miles Away, Over and Over, Without You, Ikaw Lang Ang Mamahalin, Sa ‘Yo Lamang, Only A Memory at ang Christmas song na Kumukutikutitap.

Pinasok din ni Joey ang pag-arte sa TV at pelikula. Naging semi-regular siya sa Iskul Bukol at ginawa niya ang mga comedies na Naku Ha, Ready… Aim… Fire at May Pulis, May Pulis sa Ilalim Ng Tulay.

Naka-base sa Canada si Joey kasama ang kanyang pamilya. Patuloy na nakikipaglaban ang singer sa kanyang sakit na colon cancer na unang na-diagnose noong 2003.

Toni Daya: Marahil nakilala lang si Toni Daya dahil sa hit single niya noong 1993 na Kung Alam Ko Lang. Pero bago naging singer si Toni, dalawang beses itong sumali sa Bb. Pilipinas Pageant.

Unang sumali si Maritoni Daya noong 1984 at nakuha niya ang title na Bb. Pilipinas Press Photography. Muli siyang sumubok noong 1988 at naiuwi niya ang titulong Bb. Pilipinas-Tourism.

Pinasok na ni Toni ang ang showbiz at nakagawa siya ng tatlong pelikula: Ikaw, Maglulupa Man Ako at Dodong Armado.

Mas nag-focus si Toni sa kanyang pagiging singer at naging big hit nga ang kanyang single na Kung Alam Ko Lang.

Matagal nang tinalikuran ni Toni ang showbiz at naka-base na ito sa Amerika bilang Mrs. Maritoni Luetgers. Involve ito sa ilang charity works sa para sa Fil-American at Asian-American communities in Atlanta, Georgia.