Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tanaw-balik sa Kamara: ‘Aswang’ naghahanap ng sex

0 246

Pangunahing trabaho ng mga kinatawan ng Kamara ang gumawa ng batas na kailangan upang tumakbo ng maayos ang gobyerno at ang bansa. At upang magampanan ito isa sa kanilang ginagawa ay magpatawag ng imbestigasyon. Isa rin itong paraan para malaman ang mga ginawa o ginagawa ng gobyerno at makapagpasa ng batas upang maitama ito.

Pharmally

Isa sa mga naging kontrobersiyal na imbestigasyon ng Kamara ang isyu ng umano’y biniling overpriced na bilyong halaga ng mga medical supply ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation para matugunan ang COVID-19 pandemic. Naging kontrobersyal ito dahil magkaiba ang resulta ng imbestigasyon ng House committee on good government aand public accountability at Senate Blue Ribbon Committee.

Kung sa Senado may nakitang alegasyon ng katiwalian, ang komite ng Kamara ay inakusahan naman na mistulang nag-aabogado at nagsisilbing mouthpiece ng Malacañang. Hirit naman ng kongresista ang imbestigasyon ng Senado ay ‘in aid of election.’

‘Aswang’ na naghahanap ng sex

Inimbestigahan naman ng House committee on public accounts ang mali-maling learning module sa mga pampublikong paaralan. Pinaka-naging kontrobersyal ang module na ipinamigay sa mga Grade 10 student sa Mabalacat, Pampanga. Nakasaad doon na ang “Aswang – siya rin ay isang Diyos pero ang Aswang ay pinapaniwalaan na ito’y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinaniniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng makakantot o maaaswang.”

Cha-cha

Natapos ng Kamara ang pagpasa sa Resolution of Both Houses No. 2 na naglalayong amiyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution noong Hunyo. Hindi naman ito pinansin ng Senado.

PhilHealth

Matapos magbanta ang mga ospital na kakalas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ilang ulit na nagsagawa ng pagdinig ang House committees on health at good government and public accountability. Hiniling ng mga kongresista sa PhilHealth na repasuhin ang proseso ng pagbabayad sa mga ospital upang bumilis ito. Iginiit ng PhilHealth na nais lamang nitong proteksyunan ang pera ng taumbayan kaya tinitiyak na tama ang binabayaran nito.

Smuggling

Ilang beses na nagsagawa ng pagdinig ang House committee on ways and means kaugnay ng smuggling ng sigarilyo, produktong petrolyo at produktong agrikultural. Nagpasa rin ang komite ng mga mosyon upang himukin ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at Department of Finance na baguhin ang kanilang proseso upang masawata ang smuggling na bukod sa nagpapalit sa kita ng gobyerno ay nagpapahirap sa kalagayan ng mga lokal na industriya.

No jab, no job

Kinuwestiyon naman ng mga kongresista sa pagdinig ng House committee on labor and employment ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kaugnay ng mga empleyado na papayagang pisikal na pumasok sa trabaho. Ipinasususpinde ng mga mambabatas ang resolusyon kung saan nakasaad na ang mga empleyado na hindi pa nagpapabakuna laban sa COVID-19 ay dapat na magpa-RT-PCR test ng regular. Ang gastos ay sagot ng empleyado.

OCTA

Hindi rin pinalagpas ng mga kongresista ang OCTA Research na nagdudulot umano ng pangamba dahil sa kanilang inilalabas na forecast kaugnay ng mga kaso ng COVID-19. Inurirat ng mga mambabatas kung saan kumukuha ng pondo ang OCTA, kung papaano ito nagsasagawa ng survey at kung bakit bigla itong naglabas ng survey result kaugnay ng mga kumakandidato sa 2022 elections.

Free Wi-Fi

Inimbestigahan din ng House committee on good government kung bakit mabagal ang rollout ng free Wi-Fi project ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Dito nalaman na binawi ng gobyerno ang ibinayad nito sa contractor ng UN Development Program dahil hindi nagawa ang proyekto sa oras. Kumuha naman ang DICT ng bagong contractor kaya nalagyan ng libreng Wi-Fi ang mga COVID-19 isolation facility.

Leave A Reply

Your email address will not be published.