Una sa Balita

Tanauan Mayor sa puso tinarget

By
0 1,065

NASAPOL ng isang bala ang puso ni Tanauan City Mayor Antonio Halili kung saan nagkahiwa-hiwalay ang tingga sa loob ng katawan nito, ayon sa inisyal na autopsy report Regional Crime Laboratory sa Camp Vicenter Lim, sa Calamba, Laguna,

Naisumite na sa Crime Laboratory ang mga fragment ng tingga na na-recover sa katawan na sumira sa mga internal organ ng alkalde.

Bagama’t may ideya na ang mga pulis kung anong kalibre ang ginamit, hinihintay pa nila ang official statement ng Philippine National Police (PNP) Crime Lab.

Pero tiniyak nila na isa itong high powered rifle na may kapasidad na maabot ang target sa malayuang distansya.

Samantala, tukoy na ng mga imbestigador ang lugar kung saan pumuwesto ang sinasabing gunman na bumaril kay Mayor Antonio Halili kamakalawa nang umaga.

Ayon kay Supt. Renato Mercado, Tanauan City Police chief, ang sniper ay pumewesto na bakanteng lote mga 150 metro ang layo sa pinagdarausan ng flag raising ceremony.

Ginamit ng suspek ang masukal at medyo mataas na lugar sa pagitan ng kinatatayuan ng city hall at ng Tanauan- Taslisay road.

“Around 150 meters, parang nag-cover siya. Walang tao kasi ang kasunod no’n sementeryo pero malayo pa yung sementeryo, madamo na ‘don,” ayon kay Mercado.

Kung pagbabasehan umano ay ang distansya, hindi umano ordinaryong gunman ang makakagawa nito.

Isang well-trained sniper lamang umano ang posibleng masapol ang target sa ganoong kalayong distansya.

Nakalagak ang mga labi ni Halili sa kanyang bahay sa Barangay Sambat, Tanaun para sa public viewing.