Una sa Balita

Tan Caktiong inutusang i-Regular ang 6,500 Jollibee crew

By
0 10,858

IPINAG-UTOS ng Department of Labor and Employment (DOLE) na i-regular ng Jollibee Foods Corporation na pag-aari ni Tony Tan Caktiong ang may 6,500 na mga empleyado nito sa iba’t ibang sangay ng kanyang fast food chain sa buong Pilipinas.

Sa ulat kay DOLE Undersecretary for Labor Relations and Special Concerns Joel Maglunsod, sinabi ni DOLE National Capital Region Director Henry John Jalbuena na inutusan na ng kanyang opisina ang kompanya ni Caktiong na i-regular lahat ng kanilang mga manggagawa na itinalaga ng dalawa nilang kontraktor.

Bukod sa pagbibigay ng regular status sa mga manggagawa, inutusan din ang Jollibee na ibalik ang mga iligal na kinolektang bayarin sa 426 na mga empleyado na nagkakahalaga ng P15,432,305.00 para sa Coop Share, Coop Christmas Party Paluwagan Fund at Coop Sa­vings Fund.

Dagdag pa rito, lima sa kanilang kontraktor ay inutusan din na ibalik ang mga kinaltas sa suweldo ng mga emple­yado na ipinagbabawal ng batas, mga bond, donasyon, share at iba pang iligal na koleksyon sa 412 na apektadong manggagawa na nagkakahalaga ng kabuuang P4,137,158.15.

Nangunguna sa listahan ng mga may pananagutang kontraktor ay ang Citiwide Basic Commodities at Manpower Services Inc. na may kabuuang obligasyong pinansyal na P1,853,578.00 sa 40 manggagawa para sa refund ng kanilang cash bond sa pagrenta ng mga motorsiklo at mga hindi nabayarang service incentive leave at holiday pay.

Inutusan rin ang Ge­neration One Resource Service at Multi-Purpose Cooperative na ibalik ang share capital, coo­perative share, membership fee, damayan fund, at bayaran ang mga unpaid holiday pay na para sa 287 manggagawa na may kabuuang halaga na P1,180,363.15.

Ipinababalik rin ng DOLE sa Integral Care Formation Service Cooperative ang kinolektang Coop share at gastos sa uniporme sa 24 manggagawa na may kabuuang P440,300 habang ang kabuuang halaga na P464,012.00 naman ay inutos na ibalik ng Toptrend Service Corporation sa 47 manggagawa para sa renta ng motorsiklo.

Isinasaad rin ng compliance order na ibalik ng MetroGuards Security Agency Corporation ang mga donasyon at bayaran ang unpaid holiday pay earning ng 14 na manggagawa na nagkakahalaga ng P199,905.00.

Samantala, susunod na rin na isasailalim sa inspeksiyon ng DOLE ang McDonald’s at Kentucky Fried Chicken o KFC para matiyak na sumusunod ang mga ito sa labor law.

Noong nakaraang buwan ay nagsagawa ng mandatory conference ang DOLE Makati at Pasay Field Office kasama ang pamunuan ng isa pang fast food chain na Chowking.

Nakatakda na rin ang mga susunod na pulong ngayong buwan sa iba pang fast food chain katulad ng Mang Inasal na gagawin naman ng Quezon City Field Office.

Matatandaan na una na ring inatasan ng DOLE ang Burger King na i-regular ang kanilang mga empleyado.