Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tambalang Cimatu- Eleazar masusubok sa Cebu

0 592

Ipinadala nakaraang linggo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cebu si Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu para pangasiwaan ang giyera sa COVID 19 dahil sa patuloy na paglobo ng kaso sa nasabing lalawigan.

Sa ngayon ay mahigit sa 5,000 ang naitatalang positibong kaso ng COVID sa buong Cebu dahilan para maalarma ang Pangulo at ipadala ang isa sa matikas na opisyal ng administrasyon sa katauhan ni Cimatu.

Katulad ng inaasahan matinding pagbabago ang naramdaman ng mga taga-Cebu dahil sa presensya ni Cimatu na sinundan pa ng dagdag puwersa mula sa Philippine National Police (PNP) .

Speaking of PNP, mawawala ba naman sa giyera kontra COVID si Joint Task Force Covid Shield Commander PLT GEN Guillermo Eleazar?

Siyempre hindi, dahil matapos na lumipad ni Sec Cimatu sa Cebu ay sumunod si Gen. Eleazar para galugarin ang mga lugar sa Cebu na may mga kaso ng COVID at tulungan ang mga kababayan sa lalawigan para masugpo ang pagkalat ng virus.

Maraming health protocol ang ipinatupad sa Cebu bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Duterte na agapan ang pagkalat ng virus lalo na’t sa pagtataya ng UP experts ay hindi malayong umakyat sa 11K sa katapusan ng Hunyo ang tatamaan ng COVID sa Cebu kapag pinabayaan ito.

Kaya naman dahil sa expertise ni Sec Cimatu na isa sa katuwang ng gobyerno sa pagsugpo sa COVID 19 nitong nakalipas na tatlong buwan ay hindi malayong maipatupad din sa Cebu ang mga hakbang na ginawa sa Metro Manila at iba pang kalapit lalawigan nito partikular ang tamang quarantine protocol.

Kung may naglatag ng mga health protocol si Sec Cimatu, nariyan naman si Gen. Eleazar para i-supervise ang implementasyon nito lalo na ang walang patumanggang paglabas ng mga tao sa Cebu na tila walang takot sa hindi nakikitang virus.

Sa presensya ni Gen. Eleazar at tropa ay agad naman nating napansin ang pagbabago sa Cebu base sa mga napapanood natin sa telebisyon.

Unti-unting naipatupad ang social distancing at pagsuot ng face mask ng karamihan at higit sa lahat ay ang paglabas ng mga hindi naman dapat lumabas.

Hindi nga ba’t sinuspendi rin ang quarantine pass ng maraming residente sa Cebu upang tuluyang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Sa ganitong sistema ay madaling natutukan ng mga itinalagang PNP sa pamumuno ni Gen. Eleazar ang galaw ng mga tao na siyang kailangan gawin sa ganito kalaking lugar na marami ng positibong kaso.

Kaya kay Sec Cimatu at Gen. Eleazar hangad namin ang tagumpay nyo sa Cebu.

Hindi naman kayo ipapadala dyan ng Pangulo kung hindi bilib sa inyong kakayahan.

Speaking of kakayahan alam nyo bang sa panahon ng lockdown sa Metro Manila ay sa ilalim ng pangangasiwa ni Gen. Eleazar bilang Joint Task Force Covid Shield Commander ay umabot sa

207,528 pasaway sa quarantine ang naaresto.

Aminin man natin o hindi ay malaki ang naitulong ng task force COVID kaya hindi kumalat ang virus noong mga panahong naka-lockdown ang National Capital Region (NCR).

Sumasakit na nga malamang ang tenga ng karamihan dahil sa paulit-ulit na paalala ni Gen. Eleazar na huwag lumabas ng bahay kung hindi kailangan.

Kaya katulad ng naging papel ng task force COVID sa Metro Manila noong Marso hanggang katapusan ng Mayo hangad nating tuluyang masugpo ang virus sa Cebu.

Kanya nga lamang mga tagapangasiwa lamang sina Sec Cimatu at Gen. Eleazar diyan. Sa inyo pa ring mga taga-Cebu nakasalalay ang kaligtasan ninyong lahat para tuluyan nang huminto ang pagkalat ng virus.

Leave A Reply

Your email address will not be published.