Una sa Balita

Tamang paggasta sa national budget titiyakin natin

0 360

Nitong ika-6 ng Enero 2020 ay naging saksi tayo sa paglagda ni Pangulong Duterte sa ating P4.1-trillion national budget o ang Republic Act 11465.

Ang General Appropriations Act for 2020 na pinirmahan ng Pa­ngulo ay mas mataas ng 11.8% kumpara sa 2019 national budget, at pinakamalaki sa lahat ng nagdaang pambansang budget.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati na ang spending plan sa taong ito ay susuporta sa layunin ng pamahalaan na maging isang ‘upper bracket-income country’ ang Pilipinas at ibaba sa 14% ang kahirapan sa pagtatapos ng kanyang termino.

Malaking bahagi ng pondo ay gagamitin sa infrastructure, human capital development at peace and order initiatives na siyang mga pangunahing adhikain ng Pangulo at nais niyang maramdaman ng bansa bago pa man magtapos ang kanyang panunungkulan.

Ang 36.5% ng 2020 national budget (P1.4 trillion) ay mapupunta sa social services, 29.3% para sa economic services (P1.2 trilyon), 18.2% para sa general public services (P746.7 bilyon), 11.2% o katumbas ng P461 bil­yon bilang pambayad sa utang ng gobyerno at 4.8% o P197.4 bilyon para naman sa pagpapalakas ng tanggulang pambansa.

Ang pagkakapasa ng ating national budget sa tamang iskedyul ay magtitiyak na maiiwasan ang mga isyu ng underspending at malaking bagay para matustusan ang mga proyektong kakaila­nganin sa mas magandang kinabukasan ng bansa.

Kabilang sa mga ahensiyang nakakuha ng malaking budget ay ang Department of Education (P692.6 bilyon), Department of Public Works and Highways (P581.7 bilyon), Department of Interior and Local Government (P241.6 bilyon), Department of Social Welfare and Development (P200.5 bilyon); at Department of National Defense (P192.1 bilyon).

Pang-anim na nakakuha ng malaking pondo mula sa 2020 national budget ay ang Department of Health na P175.9 bilyon, sinundan ng Department of Transportation na P100.6 bilyon; Department of Agriculture (P64.7 bilyon); Department of Justice (P41.2 bilyon) at pang-sampu ang Department of Environment and Natural Resources na pinaglaanan ng P26.4 bilyon.

Walang ginawang veto si Pangulong Duterte sa kabuuan ng budget at pinasasa­lamatan natin ang mga kongresista at mga senador sa kanilang pakikipagtulungan, pati na rin ang mga opisyal at tauhan ng Department of Budget and Management na pangunahing nagba­langkas sa budget.

Tinitiyak natin na magagamit nang wasto ang ating P4.1-trillion national budget lalo na sa paggastos nito para sa mga batayang serbisyong panlipunan at wala ni pisong mapupunta sa korapsyon.

Babantayan nating maigi ang national budget ngayong 2020 para masigurong magdadala ito ng mas maginhawang buhay para sa ating mga kababayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More