Una sa Balita

Tamang pag-aaruga para sa lahat ng bata

By
0 624

Isa sa mahalagang ipinagdiriwang tuwing Nobyembre ay ang Buwan ng mga Bata o National Children’s Month. Lahat tayo ay may responsibilidad at pananagutan upang masiguro na ligtas mula sa lahat ng kapahamakan ang ating mga kabataan.

Nakakalungkot dahil sa ngayon ay napakaraming kabataan ang nagiging biktima ng iba’t ibang klase ng karahasan sa ating lipunan. Ayon sa datos ng 2016 National Baseline Study on Violence Against Children na ginawa ng Council for the Welfare of Children, United Nations Children’s Fund at kasama ng iba pang ahensya ng gobyerno at mga civil society organization, tatlo sa limang kabataang Pilipino ang nakakaranas ng karahasan at higit kalahati sa kanila ay nararanasan ito sa mismong kanilang mga tahanan.

Gayundin, nakaka­bahala ang ulat dahil sinasaad dito na isa sa limang kabataan edad 18 pababa ay nakaranas na ng sekswal na karahasan (sexual violence). Totoong napaka-vulnerable ng ating mga kabataan at kailangan nila ay kalinga, proteksyon at pagmamahal hindi lamang mula sa kanilang pamilya kung hindi maging sa buong komunidad na kanilang ginagalawan.

Paano sila magiging pag-asa at kinabukasan ng ating bayan kung sa murang edad ay sinisira na ang kanilang dignidad? Kailangan nila ang tulong mula sa kanilang pamilya, lipunan at pamahalaan.

Bilang chair ng Committee on Women, Children and Family Relations sa Senado, naninindigan akong kailangang pag-ibayuhin ng ating pamahalaan ang isang komprehensibong plano upang maisalba at maisayos ang kinabukasan ng ating mga kabataan. Marami sa kanila ay nabibiktima ng karahasan, ang iba nagagamit sa kriminalidad, at ang iba naman ay naiipit sa gulo ng mga giyera at iba pang armadong labanan.

Bago magsara ang sesyon ng Kongreso nitong Oktubre, naratipika ng Senado at House of Representatives ang bill na aking inisponsor at inakda kasama si Senator Nancy Binay, ang Se­nate Bill No. 2023 o ang Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict (CISAC). Ang batas na ito ay nag­lalayong maprotektahan at hindi maipit sa gulo ng giyera at iba pang armadong kaguluhan ang ating mga kabataan. Malapit na itong maging ganap na batas at maraming pamilya at kabataan ang matutulungan ng panukalang ito.

Katulad ng mga sinasabi ng mga eksperto, ang karahasan sa ating kabataan ay nagbibigay ng pangmatagalang pasakit sa emosyonal at psychological na aspeto ng kanilang buhay. Ito ay dumadagdag pa ng mas malaking gastos sa kalusugan, child welfare services at maging sa criminal justice system ng ating bansa.

Kung mapoprotektahan at mabibigyan ng agarang tulong ang ating mga kabataan, mas aayos at liliwanag ang kinabukasan ng ating bayan.