Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tamang landas ng pagtulong

0 27

Nasa tamang landas si Congressman at dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa kanyang ipinupursigeng pagtulong sa nga kababayan nating binugbog ng pandemya.

Una ay inumpisahan ni Cayetano at ng kanyang mga kasamahang Back To Service (BTS) group sa Kamara ang P10K Ayuda o Sampung Libong Pag-asa na marami-rami na ring naabot. Sa huling tala ay nasa 6,000 na ang nabiyayaan ng P10K Ayuda sa iba’t ibang panig ng bansa.

Hindi man nagawa ng grupo ni Cayetano na maisulong ang P10K Ayuda Bill sa Kongreso dahil walang ibinigay na suporta ang nakararaming kongresista, nagsumikap naman silang makapagbigay ng Sampung Libong Pag-asa sa libu-libong hikahos na benepisyaryo.

Pinalawak pa ang Sampung Libong Pag-asa dahil nagkaroon ito ng OFW Edition. Marami rin kasing OFWs ang nalugmok dahil sa pandemya lalo na ang mga inabutan ng pagbabakasyon na tuluyang hindi nakabalik sa abroad. Ang pamilya ng mga OFWs na ito ang inuna sa nabigyan ng P10K Ayuda ng grupo ni Cayetano sa pag-asang magagamit nila para sa maliit na puhunan ang naturang pondo.

At kasabay ng Sampung Libong Pag-asa o P10K Ayuda ay isinulong naman ni Cayetano ang P3500 ayuda sa mga sai-sari store owners na nangangailangan ng dagdag puhunan. Sa mga liblib na lugar, napakahalaga ng mga sari-sari stores dahil ang mga ito ang inaasahan ng mga residente para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa mga malalayong lugar ay hindi uso ang mga malalaking grocery at supermarket sa halip ay ang munting tindahan nina Aling Iska o Mang Kanor ang takbuhan ng mga tao. Ang mga tindahang ito na tinatawag nating sari-sari store ay kadalasang may mahahabang listahan ng pautang. Sila ang paboritong utangan ng kanilang mga kapitbahay na wala ng maiulam o wala ng pambili ng sabon, mantika at iba pang pangangailangan.

Pero dahil sa pandemya marami sa mga tindahang ito ang tuluyang tumiklop dahil naubusan na ng kapital. Wala ng maibili ng supplies sina Aling Iska at Mang Kanor habang hindi naman nila masingil ang mga kapitbahay na may mahabang lista ng utang dahil nawalan ng trabaho at kabuhayan sa pandemya.

Nakita ni Cayetano ang senaryong ito kaya naman kumikilos na rin ngayon ang grupo ni Cayetano upang mabigyan ng P3500 ang mapipiling sari-sari store. Sa naturang halaga, ang P2500 ay dagdag-puhunan at pambili ng mga paninda habang ang P1000 ay pwedeng gamitin sa anumang gastusin at personal na pangangailangan ng may-ari ng tindahan.

At hindi lamang cash ang kalakip ng tulong na ito dahil may ibinibigay pang training sa mga benipisyaryong sari-sari store owner para maturuan sila sa tamang pagpapatakbo ng kanilang negosyo at nang maiwasan ang muling pagkalugi.

Target ni Cayetano na maabot ng proyektong ito ang may 50,000 sari-sari store owners o mahigit pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Nakaarangkada na ito sa Baguio City, Dagupan, Olongapo at maging sa ilang lugar sa Bulacan.

Kinokonsulta rin ng grupo ni Cayetano ang sektor ng mga magsasaka para alamin kung paano sila higit na matutulungan at maiaahon sa sistemang mataas na gastos sa pagtatanim pero mababang bentahan ng kanilang mga produkto.

Pati mangingisda at mga barangay health workers ay inaabot ng tulong ng grupo ni Cayetano. Maging ang mga kapatid nating Muslim ay sinisikap maabot para maipadama sa mga ito na bahagi pa rin sila ng ating bansa na dapat damayan kahit sa mumunting paraan.

Kung ikukumpara ang kaabalahang ito ni Cayetano sa iba-ibang personalidad na nagpapakaabala naman sa pakikipagbatuhan ng baho kaugnay sa nalalapit na halalan, sino sa kanila ang nasa tamang landas?

Leave A Reply

Your email address will not be published.