Una sa Balita

Tama na ang bangayan!

By
0 735

Panahon na para itigil ang batuhan ng sisi kaugnay sa pagtatayo ng ‘military structure’ ng China sa South China Sea o West Philippine Sea.

Hindi maganda para sa Pilipinas na makita ng China at ng iba pang mga bansa na may ‘claim’ sa SCS/WPS ang pagkakahiwalay at ba­ngayan ng mga opisyal ng pamahalaan.

Paanong maidedepensa nang seryoso ang mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS/SCS, kung mismong mga opisyal natin at mga eksperto ay hati-hati at nag-aaway sa mata ng publiko at ng mundo.

Walang masaya dito kundi ang mga kalaban, hindi na kailangan pang mambraso para palambutin ang Pilipinas.
Dapat magkaroon ng iisang direksiyon para hindi paglaruan ng iba pang mga bansa na may interes sa mga isla na pag-aari ng Pilipinas.

***

Nakalulungkot makita na ang Pilipinas ang ‘mabibiktima’ sa ‘power play’ sa pagitan ng China at Estados Unidos kasama ang mga kaalyadong bansa tulad ng Japan at Australya.

Dahil sa karibalan ng dalawang bansa, ang naiipit ay ang Pilipinas.

Ang Beijing ay nagpakita ng puwersa sa ngalan ng ‘Nine-dash line Theory’. Ang Wa­shington naman ay ang ‘freedom of navigation’ para makapaglayag ang ‘nuclear powered aircraft carrier’ nito sa South China Sea.

***

Bagama’t sinasabi ng mga ‘observer’ na ‘relatively peaceful’ ngayon sa West Philippine Sea’ resulta ng pagpapatupad ni PDu30 ng ‘pragmatic diplomacy’, lalo na sa pakikitungo sa China, tila may ilang sektor o ‘vested inte­rest’ ang kumikilos para basagin ang katatagan sa rehiyon.

Hindi kaya sinasad­ya ang sitwasyon para paigtingin muli ang tensiyon at makakuha ng ‘leverage’ ang China at Estados Unidos sa nalalapit na Joint Working Group sa pagitan ng ASEAN at China may kinalaman sa South China Sea?

Gusto kasi ng Estados Unidos na palawakin o dagdagan ang bilang ng mga bansang dadalo sa pulong na ito. Ayaw ni Uncle Sam na maitsa­pwera sa pagbalangkas ng pinakahihintay na ‘Code of Conduct’ sa South China Sea o West Philippine Sea.

Gugulo talaga ang ‘tabakuan’ o sitwasyon, kung may mga ‘outsider’ na makikialam sa kumakalma ng sitwasyon sa West Philippine Sea.