Una sa Balita

Tama lang at binaril

By
0 24

Nananatiling bawal ang ‘open pit mining’.

Ayon sa Palasyo, nananatili ang desisyon bagama’t isinusulong ng ‘Mining Industry Coordinating Council’ o MICC na payagan nang muli ang pagmimina.

Anumang uri ng pagmimina lalo na kung ‘large scale’ ay mas lamang ang dulot na kapinsalaan kaysa kaginhawa­han sa mga apektadong komunidad.

Ang kumikita lamang ay mga may-ari ng minahan.

Tama lang na binaril kaagad ni PDu30 ang rekomendasyon ng MICC.

***

Napag-uusapan na rin lamang ang kapaligiran, dapat suriin din nang maigi ng mga ‘regulating body’ ng gobyerno ang mga tinatawag na ‘reclamation activity’ sa mga dalampasigan lalo na sa Manila Bay.

Sa nakalipas na ilang dekada, naging ‘massive’ o ‘malawakan’ ang pagkamkam ng mga tubigan sa mga dalampasigang nasasakop ng Maynila, Pa­say, Parañaque hanggang sa Cavite.

Gaano kaya kaligtas ang mga ‘man-made’ na ‘recreational’ center, nag­lalakihang gusali at mall na ito?

Kaygandang tingnan ng mga istrukturang ito. Kayningning ng mga ‘neon lights’ sa gabi lalo na nga­yong magdi-Disyembre.

***

Habang naaaliw ang mga nagpupunta sa ‘mall’, naglalaro sa casino at nanonood ng mga musical show, isang sektor naman ang kumahog sa paghahanap ng makakain at hanapbuhay.

Ito ay ang mga maliliit na mangingisda na direktang naapektuhan sa naganap na reclamation activity. Kamakalawa, may dalawampung bangka na puno ng mangingisda na nagprotesta sa gitna ng Manila Bay.

Humihingi ng suporta at tulong. Kung dati-rati ay nakapangingisda malapit sa baybayin, ngayon ang mga maliliit­ nilang bangka ay kaila­ngang pumalaot nang malayo makapamalakaya­ lamang. Ang mahuhu­ling isda at iba pang yamang-dagat – kung may mahuhuli man – ay ititinda­ kundi man pang-ulam.

***

Inamin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na matindi ang operasyon ng sindikato ng ‘illegal recruitment’ sa loob mismo ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA.

Ito ang dahilan kung bakit nananatiling suspendido ang pagbibigay ng Overseas Employment Certificate o OEC.

Ang galamay ng sindikato ay mga guwardiya at janitor sa loob mismo ng POEA.

***

Halimaw ang sindikato ng ‘illegal recruitment’. Hindi pinipili ang binibiktima. Pera lang ang habol ng mga ito, ‘di baleng mapariwara ang mga nire-recruit kumita lang ng kuwarta.

Hangga’t maraming Filipino ang gustong magtrabaho sa ibang bansa, ang halimaw na ito ay magpapatuloy na mananalasa.