Una sa Balita

Talent search ang peg!

By
0 95

Kung papansinin niyo, parang pakontes sa mga talent search na programa na gaya ng Americas Got Talent ang eleksyon natin.

Matapos na mag-audition ang mga contestant, este candidates, na naghain ng certificate of candidacy, sasalain naman ngayon ng mga judge kung sino-sino sa kanila ang lulusot sa susunod na round.

Pero kung sa mga talent search contest eh husay sa pagkanta o kung anumang talent na ipinakita ng contestant ang basehan ng judges sa pagpili ng mga lulusot sa next round, sa eleksyon atin, pipiliin naman ng Comelec ang mga contestant, este candidates, na may datung at seryosong mangangampanya.

Matapos ang filing ng COC, umabot sa 152 ang gustong maging senador na sasalain ng mga hurado. Ang tanong, ilan kaya ang makalulusot sa next round? Noong 2016 polls, umabot sa 172 ang naghain ng COCs na tatakbong senador pero 50 lang ang nakasama sa balota.

Iisa-isahin at sasalain uli ang COCs para ihiwalay ang mga aspiranteng “panggulo”at seryoso. Pagkatapos nito, magpapagalingan na naman ang mga contestant, este candidates para ipakita ang talent nila sa pambobola, este pagkumbinsi sa mga tao para sila ang iboto. At gaya sa mga talent search contest, ipapaubaya ng mga hurado sa tao sa pamamagitan ng pagboto kung sino ang mananalo.

Kaya dapat lang na isiping mabuti kung sino ang 12 contestant, este candidates ang inyong ipapanalo.

***
Hindi naman pala lahat ng bilihin eh tumaas dahil sa inflation. Maliban sa kamatis, mayroon pa raw isang produkto ang bagsak-presyo dahil sobra ang supply – ang shabu.

Kung paniniwalaan si Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino, bumabaha raw sa merkado ang shabu na pinaniniwalaan niya na laman ng apat na magnetic lifter na nakalusot sa Bureau of Customs, na kinalaunan ay nakita sa isang bodega sa Cavite.

Pero bakit kaya kinokontra si Lapeña ng deputy collector niya at dating hepe ng X-ray Inspection Project ng BOC na si Atty. Ma. Lourdes Mangaoang? Sabi kasi ng huli, nakita niya sa mga imahe ng mga magnetic lifter na may laman ang mga ito nang idaan sa X-ray. At ang pakiwari pa nga raw ni Mangaoang noong una ay nalusutan ang BOC pero sa huli eh tila sadyang pinalusot.

Pero anu’t anoman ang dahilan ng pagmura ng shabu, mukhang ang malinaw eh patuloy at marami pa rin ang pagdagsa ng droga sa merkado na dapat mawala at hindi dapat makalusot kung mayroon mang mga opisyal na nagpapalusot nito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”