Una sa Balita

Takatak boy dedo sa pag-rescue ng 2 dalagita

0 433

NAUWI sa trahedya ang masaya sanang pagdiriwang ng kaarawan ng 47-anyos na vendor ng sigarilyo, nang mamatay ito sa pagsagip sa dalawang nalunod na dalagita sa Baseco Beach sa Port Area, Maynila.

Wala nang buhay na lumutang si Rio Santos, part-time janitor at ciga­rette vendor, tubong-Nueva Ecija, nang malunod habang nagliligtas, dahil sa dinanas na pulikat.

Ayon sa imbestigasyon ni PSMS. Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-homicide section, ala-1:20 ng hapon nang maganap ang insidente.

Naliligo umano ang 14 at 12-anyos­ na dalagita sa nasabing lugar nang lumubog ito, kaya humingi ng tulong ang mga kasama nilang kaibigan.

Nakita ni Santos ang paghingi ng saklolo ng mga kabataan kaya agad itong sumaklolo at sinagip ang dalawang dalagita.

“Nu’ng sinagip niya po kami, magkabilang braso niya ang kinapitan namin pero po nu’ng nagsabi siya na namumulikat siya ay binitawan na kami kaya ‘yung mga ibang nandoon ang tumulong sa amin para doon na kami sa gilid, tapos siya lumubog na hindi na siya nakita ng mga nag-dive,” ayon sa mga dalagita.

Nang lumutang ang katawan ni Santos ay punong-puno ng burak ang mga paa, indikasyong malalim na bahagi ang kinalubugan niya. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More