Una sa Balita

Tagumpay

0 426

Nakakatuwang mabalitaan ang mga tagumpay na nangyayari sa Lungsod ng Maynila.

Sa pamumuno ng bagong mayor ngayon, Isko Moreno, tila may liwanag ng pag-asa ang kanyang mga ginagawa. Panay puri, galak at magagandang comments ang mababasa sa Facebook. Kung kaya nakakakita ng liwanag lalo na ang mga taga-Maynila.

Sa kanyang pagbubun­yag ng limang milyong pisong kada araw na suhol mula sa mga sindikato sa palengke at kalsada, humanga ang mga tao. Kung iisipin mo nga naman, limang milyon kada araw, kundi ka pa naman yumaman na mayor niyan, e, ewan ko na. Ngunit, hindi nasilaw si Mayor Isko dito. Bagkus, inilantad niya! Kaya, kung iisipin natin, ay tila nagpapahiwatig ito sa mga nagdaang administrasyon ng Maynila na sila ay kumabig ng limpak-limpak na salapi.

Dahil hindi nila naasikaso ang kalye sa Divisoria at iba pang mga nagsisiksikan at ‘di madaanang kalye, ay nangangahulugan bang sila ay nasuhulan? E, talagang mag-iisip ang mga tao.

Marahil sobra na ang frustration o pakiramdam ng pagkabigo ni Mayor Isko, kung kaya niya ginagawa ngayon ang kanyang mga ginagawa para maisaayos ang lungsod. Kungsabagay, sa haba ng kanyang panunungkulan sa lungsod, marahil nakita niya ang mga kalokohan at laganap na korapsyon na hindi nalulutas, at nade­dehado nang husto ang mga tao. Tila palubog ang lungsod, ang dating sentro ng kala­kalan at capital city ng Pilipinas. Kung ‘di ka nga naman ma-frustrate.

Ngunit ang isang ka­hanga-hangang prinsip­yo ng batang alkalde ay ang kanyang pagkilala sa karapatang pantao. Hinawi man niya ang kalsada ngunit ‘di niya pinababayaan ang mga mahihirap at maliliit na naghahanapbuhay. Sinasabihan niya ang mga pulis na kilalanin ang karapatang pantao ng mga tao, at hinihikayat niya ang mga empleyado na maglingkod nang marangal at may dignidad.

Ang mga batang lider ng mga lungsod ngayon, tulad ni Isko, ay nagbibigay ng tagumpay at pag-asa na pumupukaw sa maraming mga Pilipino ngayon.

Samantala, nagbukas na ang pagdiriwang ng musikang Pilipino sa buong bansa. Ang taunang Linggo ng Musikang Pilipino (LMP) tuwing huling linggo ng buwan. Matatandaan na ito’y nabigyan ng basbas ng pamahalaan sa pamamagitan ng Proclamation 933, noong 2014 ng dating Pangulong Noynoy Aquino. At sa ilalim ng pamumuno ng National Commission on Culture and the Arts, hinihikayat ang lahat ng lokal na pamahalaan na ito ay ipagdiwang.

Matagumpay din ang pagdiriwang na ito, dahil nasa ika-6 taon na itong isinasagawa. Mahirap at maliit man ang pondo ay naidaraos nang matagumpay ang LMP.

Marahil mga mumunting tagumpay ang ating natutunghayan ngunit may dala itong liwanag na natatanaw sa kabila ng mga ‘di kanais-nais na mga nangyayari sa ating bansa. Kahit papaano, may pag-asang nararamdaman, kahit ‘yun man lang ang ating maramdaman.

At sana nga mula sa mga maliliit na tagum­pay na ito ay dumami, lumaki, umunlad, at umayos ang pagtahak sa kinabukasan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy