Una sa Balita

Taguig, Makati, Valenzuela, Marikina sinuyod sa iligal na droga

By , ,
0 1,117

Dalawang katao ang bumulagta habang 20 ang hinuli sa walang tigil na operasyon kontra iligal na droga sa Taguig, Makati, Valenzuela at Marikina kamakalawa nang gabi.

Sa Valenzuela, walang buhay na humandusay ang isang drug pusher nang makipagbarilan ito sa mga pulis, habang da­lawa naman ang nasakote sa buy-bust operation.

Sabi ni P/Chief Inspector Jowilouie Bilaro, head ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), dead on-the-spot ang suspek na si Rommel Olazo, alyas ‘Combat’ ng Block 18, Lot 19, Compound 3, Sitio Kabatuhan, Bara­ngay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.

Huli naman na buma­batak ng shabu sina Jerico Relinio, 34 ng No 47 San Pedro Compound Barangay Pasong Tamo, Quezon City at ang naka­babatang kapatid ni Olazo nasi Rouel, 43.

Ilang linggo nang naka-under surveillance ng tropa ni SPO1 Roberto Santillan ang suspek dahil ito daw ang source ng shabu sa kanilang lugar.

Bandang alas-5:46 nang hapon, ikinasa ng SDEU ang buy-bust operation sa lugar ni Olazo at isa sa mga pulis ang nagkunwaring buyer para umiskor ng shabu na halagang P500.

Nakahalata umano ang suspek na pulis ang kaharap kaya naman bumunot ito ng baril at nagpaputok sabay takbo.

Dito na gumanti ang grupo ni SPO1 Santillan at tinamaan sa katawan si Olazo na siya nitong ikinasawi.

Narekober sa suspek ang 18 sachet ng shabu, isang cal. 38 na may tatlong bala.

Sa record ng Valenzuela Police, nakulong noong 2004 si Olazo sa kasong robbery.

Kinasuhan naman ng Violation of Sec 11 of RA 9165 ang dalawang naaresto.

Sa Marikina, kulu­ngan ang bagsak ng 13 katao sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit, kamakalawa nang gabi Twin River Subdivision, Barangay Parang.

Alas-10:50 nang sala­kayin ang pinagkukutaang bahay kung saan ginagawa ang pot session at positibong nasa lugar ang kanilang tulak na target sa 76 Kaolin St. Twin River Subdivision, sakop ng Barangay Parang.

Kinilala ni PSI Greco Gonzales, head ng drug enforcement unit ng Marikina Police, ang mga naaresto na sina Andres Manlutac alyas Sandy, 50; Niko Ramos, 25; Roberto Ordoñez, 40; ­Vertrini Palis, alyas Bert, 50; Norbert dela Cerna, 36; Carlos Hipolito, alyas June, 37; Jemie Bautista, 45; Allaine June Lacap, 36; Georlyn Mascarenas, 34; Claire Penaso, 39; Mary Ann Sevilla, 24; Daniel Samson, 26 at John Michael Santiago, 23, pawang mga residente ng Marikina City.

Isang pulis ang umaktong bibili ng droga at positibong naaktuhan ang mga suspek na nagpa-pot session.

Nakakumpiska ng 12 pakete ng pinaghihinalaang shabu, P500.00 buy-bust money at drug paraphernalia.

Samantala arestado ang limang katao sa Taguig at Makati City ng alas-sais nang gabi.

Dinampot sina Jetro Jun Celedonio, 24 at Mart Nuval, 29, matapos na makabili ang isang poseur buyer ng P200 marijuana mula sa kanila sa Road 4, Pavahai Comembo, Makati.

Patay din ang kilabot na holdaper na si Jerry­me Delica, alyas ‘Mekmek’, 29, ng San Andres, Manila na kilala rin na drug personality.

Sa Taguig, alas-nuwebe nang gabi nang damputin sina Tarhata Abdula y Abdulrahman, 30; Ali Midzel y Talim, 28, at Alimudin Lindungan y Tukan, 32, pawang naninirahan sa Barangay New Lower Bicutan na nagbebenta ng droga.