Una sa Balita

Tagbilaran pasahero napamura sa $50 raket ng PAL-Lucio Tan

By
0 501

GALIT na galit ang isang taga-Tagbilaran dahil sa ginawa umano sa kanila ng Philippine Airlines (PAL).

Sa reklamo ni Dr. Zandro Plateros, pinaghiwa-hiwalay ng upuan ng airline company na pag-aari ng business tycoon na si Lucio Tan ang kanyang pamilya nang bumiyahe sila papuntang Estados Unidos mula Tagbilaran noong Mayo 28.

Bago pa ang araw ng kanilang biyahe, ina­ayos na niya sa PAL sa Tagbilaran ang upuan nilang lima: siya at ang kanyang asawa, ang dalawa nilang batang anak, at ang kanyang senior citizen na nanay na mangangailangan ng assistance.

Binigyan siya ng booking reference na ALKTLU at EMBHZF para sa mga ticket number na 0792177452857 at 0792177452854 kaya kampante siya.

Nang umalis sila sa Tagbilaran papunta ng Maynila, hiwa-hiwalay na ang kanilang upuan kaya pumalag na siya dahil maaga pa lang ay nagpasabi na siya.

Sinabi umano sa kanya ng PAL sa Tagbilaran na maaayos ang kanilang upuan sa Maynila paglipad nila papuntang Estados Unidos.

Ito kasi ang unang international flight ng kanyang mga anak at may kasama pa silang senior citizen na nais nilang alalayang mag-asawa.

Pero pagdating umano ng Maynila, hindi pa rin sila magkakatabi ng upuan paglipad patu­ngong Estados Unidos.

Sinisi lang ng PAL Manila ang Tagbilaran sa pagkakamali. Higit sa lahat, ayaw ayusin ng PAL ang problema.

“PALpak talaga,” sabi ni Plateros. “I am sorely disappointed getting this service from our very own flag carrier who prides herself as a four star airline.”

Nang umuwi sila noong Hunyo 20, pinagbayad umano siya ng $50 kada pasahero para lang maiupo sila nang magkakalapit.
“That $50 is just plain bullshit. Holdup sa harap-harapan ‘yon but we had no choice. On our domestic connection, they also had seating changes that made us sit apart when we already reserved seats 45 days prior to this trip,” sabi niya.

Tinanong ng Abante si PAL spokesperson Cielo Villaluna tungkol sa pangyayari pero wala itong paliwanag.