Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tagapagsanay

0 516

Nahaharap kaming mga guro sa malaking hamon sa aming kakayahan.

Kanina, sa online training para sa gagawin naming pagtuturo gamit ang online platform, sinabi ng tagapagsanay na bukod sa pagiging guro, dapat na rin kaming maging computer technician, at dahil gagawa kami ng iba’t ibang kaparaanan para mapadaloy ang leksyon gamit ang iba’t ibang medium: larawan, video, presentation, producer na rin kami.

Masayang isipin na magagawa namin ito. Kung maayos na maitatawid ang leksyon at ebalwasyon ng bata, nasa bahay na lang ako buong semestre. Hindi na kailangan pang suungin ang panganib na pagbalik-balik sa unibersidad, umuwi sa apartment ko sa Maynila at dito sa lalawigan ng Quezon tuwing weekend. Nasa bahay lang ako. Ligtas, kasama ang pamilya. Komportable.

Gaya nga ng sabi ko noong huli kong kolum, pibilehiyo ang work from home.

Masaya sana kung walang magiging aberya. Pero kanina sa online training, nawawala ang audio ng tagapagsalita. Mayroong hindi maka-access sa meeting. Dalawang beses akong nawala sa training sanhi ng mahinang internet servicedito sa probinsya.

Paano pa kaya ang iba? Halimbawa, may mabagal na kompyuter na pagsasaluhan ng mga anak ding nag-aaral? Paano kung talagang walang signal? Paano kung talagang walang gagamiting gadget? Walang pambili o mahihiraman?

Sabi nga, bawat educational unit ay may kakaibang suliranin. Iba kung sakali ang suliranin ng unibersidad namin kaysa isang unibersidad sa lalawigan. Iba ang kinakaharap naproblema ng paaralang pang-junior high school na pinagtuturuan ng aking asawa dito sa lalawigan kaysa isang junior high school na pawang de-kotse ang mag-aaral. Bawat suliraning ito ay may kaakibat na natatanging solusyon. At ito ngayon ang aming pinagsasanayan.

Magandang pagnilayan ang salitang ‘sanay’. Iba ito sa basta alam lang ang ginagawa. Pwedeng isalin sa Ingles na ‘skilled’ang sanay. Pwedeng ang kasanayan ay praktikal at walang katumbas na diploma, maaaring naging sanay dahil sinananay o nasanay ng mga sitwasyong kinaharap sa buhay.

Sanay akong mangisda dahil nasanay ako sa nakikita at sa mga ginawa ko noon lalo na ang mga pagkakamali. Sanayan lang. Wala akong pinasukang paaralan para matutong mangisda.

Tinatawag kang sanay na sanay kapag para ka nang bihasa, marami ka nang karanasan. Kaya nga hindi garantiya ng kasanayan ang pag-aaral kung hindi rin naman sila sinanay sa tunay na buhay. Ito ang silbi ng mga on-the-job training component sa maraming kurso sa kolehiyo upang sanayin sa kakaharaping industriya o trabaho.

Sa sitwasyon ko bilang guro, nagsasanay ako sa pagtuturo gamit ang online platform hindi para masabing may kaaalaman lang. Ni hindi ko na nga alintana kung may certificate ang online training na dinadaluhan ko o wala. Dapat ko na kasi itong gamitin kaya dapat sanay na ako. Maaaring hindi pa sanay na sanay pero pasasaan ba, magiging bihasa rin. Sasanayin din ako ng karanasan. Maaaring maraming maging mali sa simula pero, hindi ba, wala namang naging bihasa na ang ginawa lang sa buhay ay panay tama?

Leave A Reply

Your email address will not be published.