Una sa Balita

TAGAMASID: Tuloy ang ligaya

By
0 83

Abot-tenga ang ngiti ng mga kandidatong nanalo sa Philippine Olympic Committee (POC) elections noong Biyernes. Abot-tenga dahil sila na naman ang maghaharing uri sa loob ng susunod na apat na taon.

Abot-tenga dahil hindi nabigyan ng pagkakataon ang mga opisyal ng ibang mga National Sports Association (NSA) na naglakas-loob na labanan sila sa eleksyon. Abot-te­nga ang kanilang ngiti maski na alam ng lahat na walang mangyayari habang sila ang nakaupo sa POC.

Natatandaan ko pa noong 2004 nang sabihin ng nakaupo ngayon sa POC na gagamitin niya ang kanyang koneskyon para makahingi ng tulong sa kanyang mga kapwa-politiko para sa mga atleta. Pero walang tulong na dumating mula sa mga sinasabi niyang kanyang mga kaibigan.

Ang kanyang unang gagawin ngayon pagkatapos na muling mahalal? Ang kausapin ang kanyang mga kaibigang governor ng mga probinsya para tumulong sa paghahanap ng mga promising na atleta na puwedeng maging world class at magdala ng ating bandila sa iba’t ibang mga international competitions.

Susubaybayan natin ‘yan.

Pero ang gusto kong malaman ngayon ay kung ano ang mangyayari sa pagitan ng POC at ng Philippine Sports Commission (PSC).

Noong nakaupo pa si Richie Garcia bilang chairman ng PSC, sweetheart ang turingan ng dalawang ahensya. Milyun-milyong piso ang ibinigay ng PSC sa POC para pondohan ang sinasabing mga proyekto ng POC.

Malalaman natin kung saan ginastos ng POC ang lahat ng ‘yan sa imbestigasyon na gagawin ng Senado. Iba na ang nakaupo sa PSC, si Butch Ramirez. Kaya malalaman din natin kung makakakuha pa rin ng pondo ang POC sa PSC.

Sinabi rin ng nakaupo ngayon sa POC na nais niyang maibalik ang harmonious relationship sa POC sa pagitan ng mga lider nito at ng opisyal ng iba’t ibang mga NSA. At bukas umano siya sa posibilidad na maging katrabaho ang mga NSA leaders na sinubok na tanggalin siya sa puwesto.

Mahabang proseso ang kailangan diyan dahil obvious naman na nagkaroon ng hidwaan bago ang eleksyon.

At bago ko makalimutan, nag-promise ang nakaupo ngayon na mayroon tayong hihintaying dalawang medalyang ginto sa 2020 Tokyo Olympics. Sabi nga ng isang katoto, talaga lang ha!

Meanwhile, tuloy ang ligaya!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy