Una sa Balita

TAGAMASID: Puso?

By
0 3

Marami ang nagsa­sabi na hindi natin dapat ikasama ng loob ang naging pagkatalo­ ng Gilas Pilipinas sa South Korea noong ­Miyerkules sa FIBA Asia Cup sa Lebanon dahil hindi naman ito qualifier para sa World Cup sa 2019.

Nandoon na ako, pero para sa akin, national pride pa rin ang nakataya sa nasabing laban. Sabi nga ng ­Gilas, puso!

Pero nagulat ako dahil pagkatapos ng unang dalawang quarter, nawala ang puso ng Gilas. Higit pa sa nabalahibuan ang nangyari, parang dinaanan ng isang trailer truck ang koponan. Parang nadaganan ng isang sumo wrestler. Hindi makakilos, hindi makahinga, hindi makalaban.

Kailan ba natin hu­ling tinalo ang Korea? Sa pagkakatanda ko, ito ay nangyari pa noong 2013, nang pumasok tayo sa finals ng FIBA Asia Cup kung saan natalo naman tayo sa Iran. Dahil sa panalo nating ‘yun sa Korea, nakapaglaro tayo sa Fiba World Cup noong 2014 sa Spain.

Bukod sa panalong ‘yun, mabibilang sa daliri ang mga panalong naitala natin sa Korea. Ang pinakamasakit na pagka­talo natin ay nangyari noong 2002 Asian Games sa Busan kung saan lamang tayo ng da­lawang puntos sa huling mga segundo ng laro pero nakapagbuslo ng isang three-pointer ang Korea bago mag-buzzer.

Pumasok sa finals ang Korea kung saan tinalo nito sa overtime ang China para sa gintong medalya. Tayo naman, natalo pa sa Kazakhstan sa laban sa bronze medal.

Magsisimula ang qua­lifiers para sa 2019 World Cup sa November kung saan ang isa sa mga makakalaban natin ay ang Australia.

Tinalo ng Australia ang China sa quarter­finals ng FIBA Asia Cup sa Lebanon at makaka­laban ang New Zealand sa semifinals. Makakalaban naman ng Korea ang Iran. Tayo? Bagsak sa qualification round kung saan ang pinakamataas na puwestong puwedeng makuha ay fifth place. At puwede ulit nating makalaban ang China, na tinalo natin sa unang laban sa Group B.
Mahirap ipaliwa­nag kung ano ang nangyari sa Gilas sa third at fourth quarter laban sa Korea. Marami ang ­nagtataka kung bakit ­biglang nawala ang depensa ng koponan.  Imbes na dumipensa, sinabayan natin ang Korea sa opensa. Napurnada!

Wala pang sinasabi ang Samahang Basketbol ng Pilipinas tungkol sa World Cup qualifier sa November. Marahil, hanggang ngayon, shocked pa rin sila sa nangyari sa laban sa Korea.

Isa lang ang masasa­bi ko diyan. Dapat, habang nasa Lebanon pa ang Gilas, hanapin nila sa court ang nawalang puso laban sa Korea. Kapag hindi nila ito naiuwi, kalimutan na natin ang World Cup.