Una sa Balita

TAGAMASID: Pang-championship ang laro

By
0 4

Matagal ng pasok sa playoffs ang San Miguel Beer pero kung maglaro ang mga bata ni coach Leo Austria, parang naghahabol pa rin silang makapasok sa quarterfinals.

Katulad na lang noong Sabado sa Antipolo nang talunin ng koponan ang TNT Katropa sa sa iskor na 98-94. Dikit ang nasabing laro hanggang sa umiskor ng three points si Alex Cabagnot. Bago ang tira ni Cabagnot, umiksena rin si June Mar Fajardo, na umiskor ng 20 puntos para pangunahan ang Beermen.

Kaya naman tuwang-tuwa si Austria matapos ang laro.

“Sino ba ang mag-aakala na inspite na we’re already in the number one spot eh talagang parang championship pa ang nilalaro nila?” ani Austria. “This game is what we need going into the playoffs.”

Defending champion ang San Miguel Beer sa Philippine Cup at sa tindi ng laro ng ­koponan ­ngayon, marami ang kumbinsido na mahihirapan ang ibang mga ­koponan para pabagsakin ang mga bata ni Austria.

Naitala ng San Miguel ang ika-10 nitong panalo laban sa isang talo. Malayo ang ibang mga koponan sa standings. Habang sinusulat ito, pinag­lalabanan pa ang No. 2 spot sa pagtatapos ng eliminations at ang final placings ng mga koponan na papasok sa playoffs.

Pero walang dudang kung magtatalaga tayo ng isang team to beat, ito’y walang iba kundi ang San Miguel Beer. Kung maglaro ang koponan, parang palaging playoffs.

Imbes na mag-relax at magpahinga dahil paparating na ang susunod na yugto, nagkukumahog pa rin ang koponan.

Tinatakot ba nito ang mga kalaban o sadyang ganado lang maglaro ngayon ang koponan?

Matagal pa bago natin malaman kung aling mga koponan ang malilinya laban sa San Miguel sa playoffs. Pero ngayon pa lang, malamang na medyo nangi­nginig na ang tumbong ng ilan sa kanila.

Mayroong mga nagsasabi na baka nasa peak na ngayon ang San Miguel at baka masunog ito sa paparating na playoffs.

Alam ni Austria siyempre kung ano ang dapat gawin para hindi mangyari ang ganoon. Beterano na siya sa laban at alam niya kung ano ang kailangan para manatiling matalas ang laro ng kanyang ­koponan.