Una sa Balita

TAGAMASID: Nakatapak pa rin sa lupa

By
0 7

Kung mayroong dapat tularan ang mga manlalaro ng basketball na gustong makapaglaro sa PBA, ito’y walang iba kundi si Scottie Thompson ng Ginebra.

Marahil, alam ninyo na sa mga rookie ngayon sa PBA, tanging si Thompson pa lang ang may commercial. At siya ang bida sa nasabing commercial, hindi ang kung sinong Poncio Pilato dyan.

Simple lang ang dahilan kung bakit nagkaganoon. Hard worker si Thompson at maging si coach Tim Cone ay bilib sa kanya. Hindi naman katangkaran si Thompson pero maging sa rebound ay sumasabay ito sa mga mas matatangkad na kalaban.

Pero ang pinaka-gusto marahil ng mga tao sa kanya ay ang kanyang ugali. ­Mayroon siyang potensiyal para maging superstar sa liga pero hindi ito nakakara­ting sa kanyang ulo. Hanggang ngayon ay pirmi pa rin siyang nakatapak sa lupa.

Noong nagkampeon ang Ginebra sa Governors Cup at nagkaroon ng victory party ang koponan sa isang bar sa Pasig, marami ang nakapansin na hindi sumasama sa grupo ng mga beterano si Thompson. Doon siya sumasama sa kanyang mga kapwa rookie. Hindi pa siya feeling superstar.

At maging sa mga fans ay malakas ang kanyang koneksyon.

Nakatakdang maglaro ang Ginebra nitong Sabado sa Davao City kalaban ang Phoenix. Ang sabi ni Thompson, ang daming humihingi ng tiket sa kanya dahil lahat ay gusto siyang mapanood nang live.

Magastos man para sa isang rookie na kagaya niya, gusto niyang mapagbigyan ang mga nagre-­request sa kanya ng tiket. Hindi katulad ng iba diyan na porke nasa PBA na ay hindi na alam lingunin ang pinanggalingan.

Matagal-tagal din ang naging pahinga ng Ginebra at ng San Miguel Beer dahil sila ang nagharap sa finals ng Philippine Cup. Kaya tiyak na pagbalik ng dalawang koponan sa aksyon ay nasa kundisyon ang mga manlalaro at maibibigay ang hilig ng fans.

Walang dudang ngayon pa lang ay nasa listahan na ng marami si Thompson bilang kandidato sa pagka-Rookie of the Year. Marami siyang kalaban para sa naturang award pero hindi ako magtataka kung pagkatapos ng kasalukuyang season ay siya ang pinakamatunog na puwedeng manalo ng nasabing award.

Ngayon pa lang, marami na ang nagsasabing magiging isang big star si Thompson sa PBA. ‘Yun ay kung hindi magbabago ang kanyang pag-uugali at mananatili siyang grounded.