Una sa Balita

TAGAMASID: Malaking pagsubok

By
0 83

Hindi na bago ang konsepto ng Philippine Sports Institute na nakatakdang ilunsad ng Philippine Sports Commission sa susunod na linggo. Ito ay matagal ng ideya ni dating PSC chairman Philip Ella Juico na hindi natupad dahil kulang ang pondo ng ahensiya.

Sa ilalim ng pamununo ni chairman Butch Ramirez, matutuloy na ito. Sa katunayan, 25 milyong piso kada buwan ang pondong nakalaan sa PSI na kukunin mula sa savings ng PSC at sa buwanang natatanggap nito mula sa Pagcor.

Naging malaki ang epekto ng PSI sa ibang mga bansa katulad ng South ­Korea at maging Hong Kong. Alam naman natin na isa sa mga sports ­powers sa Asya at maging sa buong mundo ang South Korea. At ito’y dahil ­matagal nang nakatatag ang version PSI sa kanila at natutulungan ang kanilang mga atleta para lalong mapaganda ang kanilang tsansang manalo sa mga ­internasyonal na kumpetisyon.

Dahil magsisimula pa lang ang PSC sa pagpapatakbo ng PSI, inaasahan natin ang sinasabing birth pains. Hindi naman natin puwedeng kopyahin ng buong-buo ang sistema ng mga Koreano dahil iba naman ang temperament ng atletang Pinoy.

Pero kung mayroong dapat maging batas sa PSI, ito’y disiplina sa training, tamang nutrisyon, makabagong mga sistema ng coaching, mga state-of-the art training facilities.

Kung ating titingnan mabuti, kulang ang P25 milyon kada buwan para sa PSI lalo na kung titingnan natin kung magkano ang pondong ginagamit ng ibang mga bansa para sa kanilang mga atleta. Pero maganda na itong simula. Marahil, sa mga susunod na buwan o taon ay madaragdagan pa ito.

Isang masinsinang screening ang malamang na ikasa ng PSC para ­mapili ang mga atletang sasailalim sa training ng PSI. Kailangang walang palakasan at tanging mga atletang deserving lamang ang dapat na kasama rito.

At kailangan din ng technology na manggagaling mula sa iba’t ibang mga foreign coaches na kailangan ding matutunan ng local coaches.

Bukod sa lahat, kailangan ng dedikasyon hindi lamang mula sa mga sports officials kundi sa mga atletang kasama sa programa.

Hindi na natin inaasahan na mapapaganda ng PSI ang ating tsansa sa ­Malaysia Southeast Asian Games na nakatakdang gawin sa Agosto pero sabi ko nga, maganda itong simula.

Makikita natin ang resulta ng pagkakatayo ng PSI sa mga darating na sports events katulad ng Indonesia Asian Games at maging sa 2020 Tokyo Olympics.

Hindi ito magiging madali pero determinado ang PSC sa ilalim ng pamamahala ni Ramirez na magbunga ito ng maganda para sa bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy