Una sa Balita

TAGAMASID: Mabuhay ka, Hidy! 

By
0 194

Napanood ko sa TV noong Lunes ng umaga si Hidilyn Diaz nang buhatin niya ang 88 kilos sa snatch at ang 112 kilos sa clean-and-jerk.

Tuwang-tuwa nga siya nang maitaas niya ang 112 kilos. Akala ko ay national record na ‘yun, pero 117 kilos pala ang national record niya na naitala noong isang taon sa Houston.

Sinubukan ni Diaz na buhatin ang 117 kilos sa kanyang pangatlo at huling pagsubok sa clean and jerk pero hindi niya ito kinayang maitaas.

Kaya pala tuwang-tuwa si Diaz ng mga pagkakataong ‘yun ay sigurado na siya sa bronze medal.

Nagpakitang-gilas ang pambato ng Tsina. Matapos na mag-set ng Olympic record na 101 kilos sa snatch, sinubukan nitong umpisahan ang kanyang pagbuhat sa clean-and-jerk sa 123 kilos.

Sabi nga sa ingles, she wanted to blow the opposition away. Pero natapos siyang luhaan dahil matapos niyang mabigo sa 123 kilos ay dalawang beses siyang nabigo sa 126 kilos.

Kaya ang nangyari, umakyat sa silver medal si Diaz.

Related Posts

Inaasahan natin sa mga susunod na araw na bubuhos ng grasya para kay Hidilyn dahil siya ang unang atletang Pinoy na nanalo ng medalya para sa bansa matapos ang 20 taong paghihintay. Nanalo rin ng silver medal noong 1996 Atlanta Olympics si Onyok Velasco.

Tatanggap ng pabuyang P5 milyon si Diaz sa Philippine Sports Commission pagbalik niya dito. Well-deserved ang nasabing premyo dahil matindi ang pinagdaanan ni Diaz, na nadiskubreng nag-iigib ng tubig sa Zamboanga City ng isang opisyal ng Philippine Weightlifting Association.

Ito ang pangatlong Olympics ni Diaz, 25, at malamang na ito na ang kanyang huling pagsali sa naturang kumpetisyon.

Maka-dalawang medalya kaya ang Pilipinas?

Marami ang kumbinsido na kayang maka-medalya ni Rogen Ladon sa light-flyweight division ng boxing. Harinawa.

Pero manalo man o matalo si Ladon, sigurado nang hindi uuwing luhaan ang Philippine delegation dahil sa ipinakitang magandang laban ni Diaz.

Muli, mabuhay ka, Hidy!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy