Una sa Balita

TAGAMASID: Lakas ng buhawi

By
0 134

Grabe pala ang buhawi na bigla na lang lumitaw sa Maynila kahapon. Marami itong pinabagsak na poste ng ilaw, cable at mga puno. Mabuti na lang at walang nasawi sa dinaanan nito.

Napag-uusapan na rin lang ang buhawi na malakas ang dating, ganito ang kailangan ng mga natitira nating atleta sa Rio Olympics  sina Eric Cray na lalaban sa 400m hurdles, long jumper Marestella Torres at taekwondo fighter Kirstie Elaine Alora.

Sila na lang ang natitira nating pag-asa para madagdagan ang silver medal na napanalunan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz.

Sasabak sa laban si Cray ngayong Martes (Lunes sa Rio de Janeiro) samantalang sa Martes naman masusubukan si Torres. Si Alora naman ay lalaban sa Agosto 20, isang araw bago ang pagtatapos ng Rio Olympics.

Hindi biro ang laban na kinakaharap ng tatlo. Sabihin na nating kailangan ng isang miracle para matupad ang ambisyon nilang maka-medalya. Pero hindi ba’t isang miracle ang nangyari kay Diaz?

Sa Rio pa rin, muntik na naman ang US basketball team sa France kahapon. Pang-ilang laro na ba ito ng mga NBA stars na muntik na silang masilat? Nasaan ang lakas ng buhawi sa koponang ito?

Kapag ganito ng ganito ang magiging kalakaran, hindi ako magtataka kung mayroong isang koponan na magpabagsak sa mga Amerikano sa knockout round.

Lakas ng buhawi din ang kailangan ng ilang koponan sa PBA para makapasok sila sa playoffs ng Governors Cup. Nandiyan ang GlobalPort, Star, Alaska, Blackwater, maging ang Phoenix at NLEX.

Naitala na GlobalPort ang unang panalo nito matapos ang apat na sunod na talo nang padapain nito ang Meralco noong Linggo ng gabi sa Mall of Asia Arena.

Para makapasok sa playoffs, kailangan pang manalo ng GlobalPort ng apat o lima pang laro.

Na mahirap gawin dahil matitindi ang mga nakalinyang makakalaban nito sa mga susunod nitong laro.

Ang nakapagtataka dito ay ang Alaska. Katulad ng GlobalPort, nakaka-isang panalo pa lang ang koponan sa limang laro at nanganganib din na hindi makarating sa playoffs.

Pero hindi ako magtataka kung sa mga susunod na laro ng Alaska ay muling bumalik ang tikas nito sa laro. Isa ‘yan sa maaasahan natin sa koponan ni Fred Uytengsu.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy