Una sa Balita

TAGAMASID: Kung naglaro lang sana…

By
0 4

Walang dudang well-deserved ni June Mar Fajardo ang kanyang pangatlong sunod na Most Valuable Pla­yer award.

Sa PBA, walang ibang manlalaro ngayon na puwedeng pantayan ang ka­yang gawin ni Fajardo. Kung hindi sana na-injure si Greg Slaughter, baka puwede siyang panapat kay Kraken (na siyang tawag ng mga TV broadcaster kay Fajardo).

Kapag nagpatuloy ang magandang laro ni June Mar sa susunod na season ng liga na nakatakdang magsimula sa susunod na buwan, malamang na mapantayan niya ang record nina Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio na apat na MVP awards. At hindi ako magtataka kung makuha niya ito sa susunod na taon.

Bihirang dumating ang mga manlalarong katulad ni Fajardo sa liga.

Marami na rin ang dumating sa liga na kasing-laki ni Fajardo, pero malayung-malayo ang skills level ng mga ito sa kanya. Hindi ko na babanggitin kung sinu-sino. Sabihin na lang natin na kung ihahambing ang mga ito kay Fajardo, sisiw silang lahat sa galing ni June Mar.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin gaanong solved kay Fajardo ang iba nating mga katoto sa sports. Hindi pa rin nila nakakalimutan na noong 2015 FIBA-Asia tournament ay hindi naglaro para sa Gilas Pilipinas si Fajardo dahil may injury umano ito.

Sa nasabing torneo na ginawa sa Changsa, China, nakarating sa finals ang Gilas kalaban ang China. Marami ang kumbinsido noon na kung naglaro lang si Fajardo ay tiyak na mas maganda ang na­ging resulta para sa Gilas dahil nasa kundisyon nang mga panahong ‘yun si Andray Blatche, ang naturalized player ng koponan.

Para sa mga hindi nakakaalam, natalo tayo sa finals, at nakuha ng China ang kaisa-isang spot para sa 2016 Rio Olympics.

Muling nabigyan ng pagkakataon ang Gilas na lumaban para sa isa pang slot para sa Rio Olympics pero hindi natin kinaya ang France at New Zealand maski na naglaro si Fajardo noong Hunyo.

Ang siste ngayon, mukhang hindi na mga manlalaro ng PBA ang siyang maglalaro para sa Gilas sa mga susunod na torneo sa Asya kundi ang mga miyembro ng Gilas cadets. Hindi naman sa tinatawaran natin ang kakayahan ng Gilas cadets pero lalong lumabo ang pag-asa nating muling mag-kampeon sa Asya.

Nakita na ba natin sa huling pagkakaton si Kra­ken bilang miyembro ng pambansang koponan?