Una sa Balita

TAGAMASID: Isang malaking hamon

By
0 1

Sabi ko sa isang katoto, kung ako ngayon ang nagko-cover ng PBA, minsan ay ganito ang sasabihin ko tungkol kay June Mar Fajardo.

“Fajardo, doing things he has no chance of doing on the international stage…” ­Natawa siyempre ang ­katoto, gets na agad kung ano ang gusto kong sabihin.

Pero ipinaliwanag ko sa kanya kung ano talaga ang ibig kong sabihin. Ito ay hindi pangungutya kundi isang hamon kay Fajardo na lalo pang pag-ibayuhin ang kanyang pagsisikap para kapag kasama na siya ng Gilas Pilipinas sa laban sa mga international tournaments ay mabigyan naman niya ng magandang laban ang mga manlalarong ­kapareho niya ang tangkad at laki ng katawan.

Abante Hiring – IT dep

Ang nangyayari kasi, dominado ni Fajardo ang PBA pero kapag kasama na siya sa Gilas ay hindi niya naipapakita ang inaasahan ng mga Filipino fans sa kanya. Kaya tuloy marami ang nagsasabi na hanggang PBA na lang si Fajardo.

Habang sinusulat ito ay hindi pa ipinapahayag ng PBA kung sino ang Best Player ng Philippine Cup. Pero hindi ako magtataka kung muling masikwat ni Fajardo ang nasabing award. Wala kasing manlalaro sa liga ngayon na kaya siyang pigilin.

Marami ang nagsasabi na kung nakapaglalaro sana si Greg Slaughter ay baka mabigyan niya ng magandang laban si Fajardo. Pero hindi na ito problema ni Fajardo. Ang tanong ay kung kailan makakabalik sa hard court si Slaughter at sa pagbabalik ba niya ay matatapatan niya ang mga ginagawa ngayon ni Fajardo?

Siguradong masasama sa Gilas si Fajardo pero ito ay kung papayagan siya ng San Miguel Beer at kung wala siyang injury sa oras ng laban ng Gilas.

Hindi ito ang magiging huling paglalaro ni Fajardo sa Gilas. Hangga’t inaasinta ng ­pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang titulo sa Asia at ang pagkakataon ng muling makalaro ang bansa sa Olympics, parating kasama sa equation si Fajardo.

Ang tanong siyempre ay kung lalawig pa ang galing na ipinapakita ngayon ni Fajardo sa PBA at kung hindi ba siya dadagain kapag kasing-laki niya o mas malaki sa kanya ang kanyang kaharap. ­Dahil kung ang makikita lang natin sa kanya habang siya ay nasa Gilas ay ang nakikita natin sa PBA, ­walang mararating ang Gilas. Kay Fajardo nakasasalay kung muli tayong tatanghaling kampeon sa Asya at kung muli tayong makakapaglaro sa Olympics.