Una sa Balita

TAGAMASID: Iba na ang handa

By
0 9

Kung noong Oct. 2 ay 16,212 katao ang nanood sa laban ng Ateneo at La Salle sa Mall of Asia Arena, noong Sabado ay marami ang nagulat dahil maraming bakanteng upuan sa Araneta Coliseum.

‘Yun ba ay dahil nang unang magharap ang dalawang koponan ay hindi naka-porma ang Ateneo at natalo sa iskor na 97-81? Kaya ba marami ang hindi sumipot sa Big Dome ay dahil inaasahan nilang muling tatambakan ng La Salle ang Ateneo? Tanggap na ba ng lahat na walang koponan na puwedeng tumalo sa La Salle ngayon?

Hindi na natin malalaman ang sagot sa mga tanong na ‘yan. Sabihin na lang natin na maling-mali ang mga nagsabing kayang-kayang i-sweep ng La Salle ang korona sa 79nd edition ng UAAP basketball tournament dahil nga sa 83-71 na panalo ng Ateneo.

Maliwanag na pinaghandaan ng husto ng Ateneo ang La Salle sa kanilang rematch. Malamang na nitong nakaraang long holiday ay walang ibang ginawa ang Ateneo coaching staff sa pangunguna ni dating Gilas Pilipinas coach Tab Baldwin kundi hasain ang mga manlalaro ng Ateneo at ipakita sa buong mundo na kung mayroong tatalo kay Ben Mbala at sa Green Archers ay walang iba kundi ang kanilang pinaka-matinding karibal.

Agad namang tinanggap ni La Salle coach Aldin Ayo ang sisi sa naging pagkatalo ng kanyang koponan, isang pagkatalo na nagpakita na ang isang koponan na handang-handa sa laban ay mabibiyayaan.

“Hindi ko maku-question ‘yung effort ng mga bata kasi grabe sila mag-trabaho. Siguro if there is someone to blame, ako ‘yun. Ako and the whole coaching staff. Kasi ‘yung mga bata, binibigay naman nila ang lahat. Kulang ‘yung ginawa namin,” ani Ayo.

Idinagdag pa ni Ayo na malaki ang naging epekto ng kanilang 21-day break at sina­bing maski sa kanilang huling practice ay iba ang galaw ng kanyang mga manlalaro.

Dahil sa panalong ‘yun ng Ateneo, ang pangatlong sunod na panalo nito, nasigurong magkakaroon ng laban para sa Final Four, o semifinals. Kung nanalo kasi ang La Salle, at talunin din nito ang Far Eastern U sa kanilang paparating na rematch, pasok na agad sa finals ang La Salle samantalang maglalaban naman ang pangalawa hanggang pang-apat na koponan sa isang step-ladder semis.

Ito ang pangalawang pagkakataon na siniguro ng Ateneo na hindi makaka-kumpleto ng sweep ang La Salle. Una itong ginawa ng Ateneo noong 2002 nang talunin nito ang isa pang La Salle team na nagmimithing maka-sweep sa kanilang huling laban sa naturang season.