Una sa Balita

TAGAMASID: Forward-looking

By
0 2

Kung fan kayo ng PBA, lalung-lalo na ng San Miguel Beer, malamang na umaasa kayong makukumpleto ng koponan ang grand slam ngayong taong ito. Na hindi malayong mangyari dahil armado, armed to the teeth, sabi nga sa Ingles, ang koponan.

Pero hindi ba kayo nagtataka kung bakit nakarating sa ganitong estado ang SMB?

Ito’y dahil forward-looking ang koponan. Ngayon pa lang, habang pinag-aaralan ng coaching staff kung ano ang kailangan nilang gawin para mapanalunan ang grand slam, nakatingin na rin sila sa mga susunod na taon.

Alam nilang para manatiling kampeon ang koponan, kailangan nilang magdagdag ng mga bagong manlalaro, mga bagong legs, para makasabay sila sa ibang mga koponan na patuloy na nagpapalakas.

Ang pinakamatanda ngayon sa SMB ay si Yancy de Ocampo na 37 na. Ang average na edad ng starting five ng koponan na sina Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter, Arwind Santos at June Mar Fajardo ay 31.8. Si Santos ang pinakamatanda sa lima sa edad na 36 samantalang si Fajardo lang and under-30 sa edad na 27.

Ang mga manlalarong pamalit katulad ni Ronald Tubid ay magiging 36 na sa Oktubre. Ganuon din si Gabby Espinas na magdiriwang ng kanyang 36th birthday sa Enero. Si JayR Reyes naman ay 33 samantalang ang pinakabata ay si Brian Heruela na edad 28.

Kaya ngayon pa lang, ayon kay coach Leo Austria, tinitingnan na ng team management kung papaano nilang mapapanatiling pabalan ang koponan. Nakatingin sila siyempre sa draft at sa mga trade.

“Magkakaroon ng drafting, iikot ang mga players, baka ibang teams kailangan ng veterans. Ayaw nila ng bata so ibang veterans namin pwedeng ipalit sa kanila. Mga ganu’n. Dahil hindi naman p’wedeng puro bata ang isang team,” ani Austria.

Hindi rin nakaligtas kay Austria ang ginagawa ngayon ng TNT KaTropa na pagbabago sa kanilang koponan. Nandiyan na sina Roger Pogoy, Troy Rosario, Mo Tautuaa, RR Garcia, Kris Rosales at Anthony Semerad. Kapag nahinog ang mga ito, tiyak na magiging matindi ang dating ng TNT.

Kaya kung nagtataka kayo kung bakit ang bilis ng turnover ng manlalaro sa PBA, ‘yan po ang dahilan. Kailangan ng pagbabago sa line-up kada conference, kada season, kada pag-ikot ng buwan.