Una sa Balita

TAGAMASID: Busisiin ‘yan!

By
0 96

Sinabi kamakailan ni PBA chairman Mike Romero na wala siyang balak na muling buksan ang pintuan ng liga sa mga kumpanyang gustong sumali hangga’t hindi nagkakaroon ng parity sa liga – ang ibig niyang sabihin ay hangga’t mayroong mga koponan na mahina at hindi kayang sabayan ang mga heavyweights kagaya ng San Miguel, TNT at Alaska.

Ang dalawang koponan na kasama sa mga baguhan sa PBA ay ang Blackwater at Mahindra.

Siyempre, kapag nagsisimula ka pa lang sa ano mang liga, tiyak na gagawin kang whipping boy, na siya namang nangyari sa dalawang koponan.

Pero sa pagdaraan ng mga taon, inaasahan ng liga na unti-unti kang magpapalakas, kukuha ng mga magagaling na player sa draft at kukuha ng ibang mga manlalaro sa ibang mga koponan sa pamamagitan ng trade.

Dahan-dahan nang nagbubunga ang ginagawang pagpapalakas ng Blackwater. Matapos ang dalawang sunod na panalo na nagbigay dito ng solo lead, natalo ang Blackwater sa TNT noong Sabado pero lumaban ng husto ang mga bata ni coach Leo Isaac. Sabi nga, walang dapat ikahiya ang Blackwater dahil binigyan nila ng magandang laban ang TNT, na isa sa mga paborito sa Philippine Cup.

Taliwas naman ang nangyayari sa Mahindra. Sa huling laro ng koponan, laban sa Rain or Shine, 49 puntos ang inilamang ng Painters patungo sa panalo. Sa dalawang unang laban ng Mahindra, talo sila ng average na 22 puntos.

Siyempre, hindi ito nakaligtas sa matalas na mata ng pamunuan ng PBA. Na-alarma sila dahil sa pangyayari.

Ang unang tanong ay kung nasusunod ba ng Mahindra ang minimum sa­lary cap na sinasabing nasa 24 milyong piso kada isang taon. Kailangan kasing gumastos ang isang koponan para makakuha ng mga manlalarong puwedeng ipantapat sa ibang teams.

Pero sa kaso ng Mahindra, nasusunod ba ito? Bakit hanggang ngayon ay doormat pa rin ang koponan at hindi man lang pumapalag sa mga laban? Nasa PBA ba ang Mahindra para manalo o para sa business, para kumita sa mga manlalarong itini-trade nito? Kung hindi man trade, pumapayag ba ang koponan na maging daan sa isang trade pero may kaukulang kita?

Bubusisiin ni Commissioner Chito Narvasa ang payroll ng Mahindara para malaman kung sumusunod ba ito sa minimum salary cap, na siyang dapat.

Maraming mga kumpanya ang gustong sumali sa PBA, mga kumpanyang handang gumastos ng malaki para maging competitive ang kanilang koponan. Sa kaso ng Mahindra, parang hindi ito ang objective ng koponan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy