Una sa Balita

TAGAMASID: Boksing ang pag-asa

By
0 7

Hindi naman sa tinatawaran natin ang kakayahan ng ibang mga miyembro ng Philippine team sa Rio de Janeiro Olympics sa Brazil pero kumbinsido akong ang ating dalawang boksinge­ro ang may pinakamala­king tsansang mag-uwi ng medalya. At sana tumataginting na ginto.

Hindi na bago sa laban sina Rogen Ladon at Charly Suarez. Matagal na rin silang lumalaban sa SEA Games at iba pang mga internasyonal na kumpetisyon. ‘Yun nga lang, ito ang kanilang unang Olympics.

Magkaganoon man, hindi ito dahilan para panghinaan sila ng loob sa kanilang target na makakuha ng medalya.

Ang sabi nga ni Ladon, nasa isip niya palagi ang gintong medalya.

“Nasa isip ko palagi na mananalo ako ng gold medal. ‘Pag hindi mo kasi sinapuso ‘yan, walang mangyayari,” aniya. “Claim mo na agad ang gold. Claim mo na sa iyo ‘yan.”

Ganito rin ang nasa isip ni Suarez, na bete­rano na ng maraming laban.

Alam ng dalawa na matindi ang kanilang kinakaharap na laban. Hindi biro ang mga boksingero na makakaharap nila, mga boksingero na galing Cuba, Bulgaria, Russia, Amerika, Korea, Japan, atbp.

Pero matindi rin ang kinaharap na laban ni Onyok Velasco noong 1996 Atlanta Olympic Games kung saan nakapag-uwi siya ng silver medal. ‘Yun ang huling medalya na napanalunan natin sa Olympics.

Sayang nga lang at naging iba na ang priority ni Onyok matapos ang Atlanta. Sana ay hinog na hinog siya para sa 2000 Athens Olympics.

Ang iba pang miyembro ng Philippine team sa Rio ay sina Marestella Torres-Sunang, Eric Cray at Mary Joy Tabal ng athletics, Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi ng swimming, Hidilyn Diaz at Nestor Colonia ng weightlifting, Ian Lariba ng table tenis, Kirstie Elaine Alora ng taekwondo, Miguel Tabuena ng golf at Fil-Japanese Kodo Nakano ng judo. Huling kabit si Nakano matapos na mag-withdraw ang isang Iranian judo player.

Nasa pangatlong Olympics na si Torres-Sunang, na tinanghal na Asian long jump champion noong 2009 at alam na niya ang pressure ng Olympics. Kasali din siya noong 2008 Beijing at 2012 London Olympics.

Dahil wala ang ibang mga magagaling na manla­laro sa golf, umaasa akong sana’y maging maganda ang laro ni Tabuena.

Ganito rin ang inaasa­han ko para sa iba pang mga miyembro ng ating pambansang koponan. Lumaban kayo ng husto, parehas at mag-enjoy kayo.