Una sa Balita

TAGAMASID: Ang galing ni Doc!

By
0 136

Akala ko ay walang pakialam ang mga propesyonal sa mga pangyayari sa isports sa bansa pero nagulat ako sa sinabi ng aking kaibigang doktor noong Huwebes.

Ang unang tanong niya sa akin ay kung ba­kit gusto pa ulit maging Philip­pine Olympic Committee president si Jose Cojuangco Jr. gayong marami namang young blood na nandiyan na handang pumalit.

Napag-usapan namin ang POC dahil sa papara­ting na Rio Olympics kung saan labing-dalawang atletang Pinoy ang kasali. Ang sabi ni Doc, ibang-iba noong araw dahil kapag paparating ang Olympics ay talagang hinihintay ng mga tao ang laban ng mga atletang Pinoy, lalo na sa boksing.

Ngayon, dagdag pa niya, walang interes ang Pinoy sports fans. Sino ba ang nakakakilala sa dalawang boksingerong Pinoy na lalaban sa Rio de Janeiro? (Ang da­lawa ay sina Rogen Ladon at Charly Suarez.)

Napag-usapan din naming ang nangyari sa Manila Olympic Qualifying Tournament kung saan bugbog ang inabot ng Gilas Pilipinas laban sa France at New Zealand.

Ang sabi ni Doc, sa umpisa lang malakas ang Gilas kapag hindi pa pagod si (Andray) Blatche. Sa second quarter, pahinga ito at balik na naman sa third. Pero pagdating ng fourth, wala na, laglag na ang balikat sa pagod. Ang galing ni Doc!

Dagdag pa ni Doc, ‘yan ay kung darating dito si Blatche na nasa kundisyon. Pero kung darating siya dito na malaki ang tiyan at parang pang-commercial ng isang brand ng gatas ang dating, alaws…

Nabanggit din ni Doc kung ano ba talaga ang gustong mangyari ng mga koponan na kasali sa PBA, kung gusto nilang matulungan ang Gilas o mag-concentrate na lang sila sa mga titulong nakataya sa PBA.

Wala akong naisagot dahil hanggang ngayon ay hindi pa maliwanag kung saan papunta ang programa ng Gilas Pilipinas at kung ano ang magiging papel ng PBA dito.

Ang maliwanag lang ngayon ay tatama ang schedule ng FIBA qualifying sa schedule ng PBA at alam naman natin na allergic ang mga opisyal ng PBA sa mga ganitong pangyayari.

Hay, ang buhay nga naman. Pero Doc, ang ga­ling mo…

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More