Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tag-ulan ngunit kapos sa inuming tubig

0 92

Magandang araw mga kababayan kong Bicolano! Noong Mayo 18, pormal na idineklara ng PAGASA ang simula ng tag-ulan sa bansa. Binanggit din ng weather bureau na ang namamayaning La Niña ay inaasahang makakaapekto pa rin sa ilang bahagi ng bansa at magpapataas sa posibilidad nang higit sa normal na buhos ng ulan sa mga susunod na buwan.

Sa kabila ng buhos ng ulan, marami pa rin sa ating mga kababayan sa Bicol Region ang walang malinis na inuming tubig. Mahirap sumugal sa maruming tubig dahil maaari itong pagmulan ng sakit o ikamatay ng ating mga kababayan.

Sa bagong mandatong ipinagkaloob sa Ako Bicol Party-list, ipagpapatuloy ng inyong lingkod at ng aking mga kasamahan sa party-list ang pagpapagawa ng mga solar-powered water systems sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.

Tulad ng ibinahagi ni Atty. Jil Bongalon sa programang Tabang Ora Mismo ng Aksyon Co Center nina Joshua Martinez Jr. at kasama niyang si Remy Araneta-Mendones, nasa 50 hanggang 60 porsyento ng mga residente ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Sorsogon, Catanduanes at Masbate ang walang mapagkunan ng malinis na inuming tubig.

Kaya naman po target ng Ako Bicol Party-list na makapagpagawa ng water systems sa 200,000 sites sa anim na lalawigan ng rehiyon.

Bukod sa patubig, pagtutuunan din ng pansin ang mobile health clinics at pagbibigay ng libreng serbisyo medikal sa mahihirap nating kababayan.

Sa paparating na 19th Congress, muling ihahain ng inyong lingkod at ng aking makakatuwang na si Atty. Bongalon ang mga panukalang batas na hindi napagtibay noong 18th Congress. Marami-rami rin pong panukalang batas ng inyong lingkod at ni Cong. Pido Garbin ang hindi naipasa dahil sa kakapusan ng panahon ng Kongreso.

Maghahain din po tayo ng mga bagong panukalang batas tulad ng pagrepaso sa Expanded Senior Citizens Act, Media Welfare Act at Oil Deregulation Law lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na lubos na nakaapekto sa ating mga magsasaka, mangingisda at mga ordinaryong manggagawa.

Ilalatag rin po natin ang mga panukalang batas na magpapabilis sa economic recovery ng Pilipinas. Sa pagtaya ng Asian Development Bank, tataas ng 6 na porsyento ang ekonomiya ng bansa ngayong taon at 6.3 percent sa susunod na taon.

Sa pag-iikot natin sa anim na lalawigan ng Bicol Region noong nakaraang kampanya, isa po sa parating idinadaing ng ating mga kababayan ay ang kawalan ng trabaho. Asahan po ninyo na gagawa kami ng paraan upang mabigyan ng trabaho ang mga jobless nating kababayan.

Muli, taos-puso akong nagpapasalamat sa bagong mandatong ipinagkaloob ninyo sa Ako Bicol Party-list. Hindi po namin sasayangin ang inyong pagtitiwala sa pamamagitan ng tapat at de-kalidad na serbisyo ng Ako Bicol.

Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Leave A Reply

Your email address will not be published.