Una sa Balita

Taasan ang saklaw ng parusa sa mga sexual abuser!

By
0 329

Isa sa mga tinututukan natin ngayon sa Senado ay ang pag-aamyenda ng kasalukuyang batas kaugnay sa pagpuksa sa karahasan ng rape at pisikal na pang-aabuso sa mga kabataang Filipino.

Base sa mga pag-aaral, halos 20 hanggang 25 porsyento ng pang-aabuso ng mga menor de edad ay may edad na 15 hanggang 17. Ngunit dahil universal o legal age ang 18, kadalasan ay nababalewala ang ganitong mga kaso.

Kung hindi pa maaaring bumoto, magmaneho o bumili ng alak at sigarilyo ang mga kabataan na may edad mababa sa 18, hindi ba kasing-importante rin nito ang pagbabawal sa mga kabataan na gawin ang anumang seksuwal na pang-aabuso?
Kung iisipin kasi natin, nakakapagtaka dahil hindi nga sila nabibigyan ng permiso na gampanan ang mga nasabing responsibilidad dahil wala pa silang maturity at tamang disposisyon pero para sa isang bagay na napakaselan at sensitibo kagaya ng rape, ay napapabayaan sa ilalim ng ating batas.

Sa Revised Penal Code, mas malaki ang pataw ng parusa sa mga sexual offender o nagkasala sa menor de edad na mababa sa 12 habang mas maliit naman ang matatanggap na parusa kung ang nabiktima nito ay may edad na mas mataas sa 12.

Dahil dito, nagkakaroon lalo ng dahilan ang mga sexual abu­ser o offender upang ipagpatuloy lang ang kanilang krimen at makapambiktima ng mga teenager dahil hindi gaanong matindi ang kapalit nito kapag sila ay nahuli.

Isipin natin ang kinabukasan na masisira sa mga kabataang ito na kung sa kasamaang-pa­lad ay nabuntis ang rape victims na ito, napakalaking tsansa na hindi na sila makapag-aral pa. Bukod pa rito, may posibilidad pang magkaroon sila ng sexually transmitted diseases o STD at mga psychological problem. Paano na ang mga pa­ngarap nila na makapagtapos ng pag-aaral at makatulong sa kani-kanilang pamilya?

Panahon na para itaas ang saklaw na edad ng mga biktima, kung saan 12 hanggang 18 ang dapat na edad nito upang matukoy ang pagpataw ng parusa sa mga sexual offender.

Upang matugunan ito, inihain ng inyong lingkod noon pang 2017 ang panukalang batas na “Increasing the Age for Determi­ning Statutory Rape to Provide Stronger Protection for Children” o Senate Bill No. 1575.

Higit sa lahat, ang pinakamahalaga pa ring lunas upang maibsan ang ganitong mga karahasan ay walang iba kundi edukasyon. Dahil lahat ng ating mga desis­yon, kilos at pananaw sa buhay ay nagmumula sa ating pinag-aralan at natutunang moral.

Kaya naman, hangad nating madala ang mga mabubuting aral na ito sa puso at isipan ng mga kabataang Pilipino nga­yon upang hindi na nila kailanganin pang mapunta sa maling landas at sa halip ay mamuhay nang tama.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy