Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Taas singil sa kuryente awat muna – Hontiveros

0 11

Muling nanawagan si Senadora Risa Hontiveros na suspendihin ang lahat ng napipintong power rate hike sa bansa hanggang sa pagtatapos ng imbestigasyon ng Senate Committee on Energy sa rotational blackouts noong Mayo at Hunyo.

Ginawa ng senadora ang panawagan matapos ianunsiyo ng Meralco ang panibagong pagtaas ng singil sa buwan ng Setyembre dahil diumano sa pagtaas ng generation charge.

Ayon kay Hontiveros, dapat munang pigilin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kahit anong pagtaas ng power rate hanggang hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng Senado sa mga blackout na nakaapekto sa 705,000 kabahayan at nagdulot ng P116 million na economic loss.

“Tama lang na hintayin muna ng mga kompanya gaya ng Meralco ang resulta ng imbestigasyon ng Senado ukol sa sanhi ng malawakang blackout nitong mga nakalipas na buwan. At kung mapatunayan na may mga kompanya o indibidwal na nagkulang o may kasalanan, sila ang dapat managot dito sa mga dagdag-singilin, hindi ang mga konsumer,” sabi ng senadora. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.