Una sa Balita

Taas-presyo ng bilihin tumama sa pinakamaliit kumita

By
0 206

MAS malaki ang naging epekto ng pag-akyat ng inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga pinakamahihirap sa bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Autho­rity (PSA), ang inflation rate para sa tinatawag nitong bottom 30% income households ay nasa 6.5% noong se­cond quarter ngayong taon, higit na mas mataas kaysa sa 5.3% inflation rate para sa lahat.

Ang tinatawag na bottom 30% income households ay ang mga may pinakamaliliit na kinikita.

Sabi ng PSA, mas ma­laki ang epekto sa nasabing sektor ng pagtaas ng presyo ng pagkain. Ito’y dahil sa mga mas mahihirap na pamilya, sa pagkain napupunta ang ma­laking bahagi ng kanilang suweldo o kinikita.

Ayon sa PSA, 6.2% na kaagad ang itinaas ng presyo ng mga pagkain noong second quarter, mas mataas kaysa sa 5.3% noong first quarter, at sobrang taas kung ikukumpara sa 2.7% noong second quarter ng 2017.

Para sa mga pinakamahihirap na nasa National Capital Region (NCR), mas malaki pa ang sipa ng inflation dahil umabot ito ng 6.6% noong 2nd quarter. Para sa mga nasa labas ng NCR na mahihirap, 6.5% ang inflation rate sa bottom 30%.