Una sa Balita

#TaalEruption2020: ‘Di makita ang daan, 1 patay sa bumaligtad na trak

0 256

Patay ang isang driver nang bumaligtad ang minamaneho nitong truck matapos suungin ang zero visibility sa highway sa Calamba City, Lunes ng madaling araw habang nasa kasagsagan ng pagsabog ang Bulkang Taal.

Nasawi sa pagkakaipit sa kanyang trak ang biktimang si Gilbert Briones, residente ng Sto. Tomas, Batangas.

Sugatan naman ang tatlo pang sakay ng trak, kabilang ang mga pahinanteng sina Jovin Daen at Reymar Daen, at ang misis ng biktima na si Charity Flores.

Batay sa report ng Calamba City police, patungo sa direksiyon ng Maynila ang trak nang bumaligtad ito sa kurbadang highway sa Barangay Paciano Rizal, ala-una ng madaling araw, Enero 13.

Ayon sa mga imbestigador, madulas ang kalsada dahil sa mga nagbagsakang abo mula sa ashfall ng bulkan at posibleng huli na rin umano nang mapansin ni Briones ang kurbada dahil sa dilim ng paligid na noon ay halos zero visibility sa Laguna.

RONILO DAGOS

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More