Una sa Balita

Taal rehab commission itatayo ni Recto

0 439

BALAK ni Senate President Pro-tempore Ralph Recto na maghain ng panukala para sa paglikha ng commission na tututok sa recovery at rehabilitasyon ng mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Kahintulad umano ito ng Pinatubo Commission na nilikha matapos ang matinding epektong dinulot ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991.

“Ganu’n din ang gagawin nating modelo sa Taal Commission,” ani Recto sa interview ng DWIZ nitong Sabado.

Sa pagsabog ng Bulkang Taal, halos 100,000 katao ang apektado base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

“Para magkaroon ng rehabilitation and recovery fund sa mga darating na taon. Dahil mahaba ang recovery and rehabilitation,” paliwanag ni Recto na taga-Batangas.

Hindi pa matantiya ni Recto kung magkano ang dapat ilatag na pondo sa commission pero sa pagkakatanda nito ay P10 bilyon ang nilaan noong nilikha ang Pinatubo Commission.

===========

Ping kay Gamboa: Internal cleansing unahin!

NANAWAGAN si Senador Panfilo Lacson kay Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Archie Gamboa na unahin ang internal cleansing ngayong siya na ang pinuno ng Pambansang Pulisya.

Sinabi ni Lacson na bagama’t matagal nang ginagawa ni Gamboa ang paglilinis sa PNP habang OIC pa lamang ito, marapat lamang na ipagpatuloy niya ang kanyang nasimulan.

“Ginagawa na niya, ang internal cleansing. Sa akin ‘yan ang dapat unahin kasi papaano makapag-perform ang PNP na hindi disiplinado, na maraming rogues, may nagkalat na ‘ninja cops’?” giit ng senador.

Binanggit pa ni Lacson na noong nanungkulan siyang PNP chief, ang una niyang inatupag ay ang paglilinis ng kanilang hanay.

“Sa akin tulad ng ginawa ko noon in-address ko muna internal cleansing. Noong internal cleansing, nawala ang pango­ngotong sa kalsada. Sama-sama ‘yan. Pag hindi disiplinado, hindi maayos ang mga pulis natin, paano makakapag-deliver sa in-assign na mission sa kanila? So napakaimportante noon,” paliwanag pa niya.

Suportado rin ni Lacson ang ginawang pagtalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Gamboa bilang PNP chief.

“He’s more than qualified kasi lawyer, tapos well-exposed siya, matagal siyang deputy for administration. I think he’s more than qualified sa positon na ‘yan,” dagdag pa niya.

===========

‘Pinas ‘di magpapasaklolo sa ibang bansa – Palasyo

WALANG nakikitang pangangailangan ang Malacañang para humingi ng tulong at saklolo sa international community kaugnay sa pagputok ng Bulkang Taal.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa harap na rin ng patuloy na pagdagsa ng tulong mula sa iba’t ibang sektor, iba’t ibang grupo at mga indibidwal na nagpapakita ng pagdamay sa mga residenteng naapektuhan ng bulkang Taal.

Ayon kay Panelo, hindi na kailangang humingi ng tulong mula sa iba’t ibang bansa dahil kaya naman ng gobyerno na alalayan at tulungan ang mga biktima nang pagsabog ng bulkan.

Maging si Defense Secretary Delfin Lorenzana aniya ay nagsabing hindi na kailangang manawagan ng ayuda sa mga kaibigang bansa dahil mismong mga kapwa Pilipino ay boluntaryong nagpapaabot ng tulong.

“Sabi nga ni Secretary Lorenzana kaya natin, hindi natin kailangan ang tulong ng ibang bansa sa ngayon,” ani Panelo.

Pero kung mayroon aniyang mga bansang nais magpadala ng tulong ay hindi tatanggihan ng gobyerno.

“Siyempre tatanggapin natin. Bakit naman hindi natin tatanggapin,” dagdag ni Panelo.

Nauna nang nagpadala ng tulong ang China gaya ng sako-sakong bigas at mantika habang ang South Korea ay nagbigay ng $200,000 na donasyon para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More