Una sa Balita

Taal nag-iipon ng lakas sa ‘big bang’ — Phivolcs

0 380

DAHIL patuloy pa rin ang nararamdamang volcanic earthquake at nadaragdagan ang mga nakikitang bitak sa mga lugar sa paligid ng Taal Volcano ay indikasyon na nanatili itong aktibo at may kasunod pang pagsabog.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, kung hanggang kailan tatagal ang pagputok ng Taal ay depende sa bilis ng pag-akyat ng magma sa bunganga nito, mayroon umano na araw lamang habang may ilang pagkakataon ilang buwan.

Noong 1991 ay 4 na araw lamang ang itinagal ng pagsabog, samantala noong 1965 ay 1 buwan habang noong 1754 ay 7 buwan.

“These would be dependent on the ascent of the magma, how fast it would move up or whether the magma would stop moving. As we try to analyze this we rely on 2 things: the earthquakes and deformation on the ground,” paliwanag ni Solidum.

Aminado si Solidum na nahihirapan silang suriin ang lagay ng Taal dahil hindi ito nagpapakita ng senyales na mayroon nang aktibidad sa loob nito, aniya, bago ang unang pagsabog nito noong Linggo ay walang naitalang seismic record ng lindol hanggang sa tuloy-tuloy ang pag-aalburuto nito sa loob ng 6 na oras.

Kumpara umano sa pagsabog ng Pinatubo ay 4 na buwan itong nagpakita ng senyales mula sa mga lindol noong Marso, steam emission noong Abril, bahagyang pagbuga ng abo noong Mayo hanggang sa tuluyan nitong pagsabog noong Hunyo 15, 1991.

Mga lugar na may bitak ‘di na puwedeng tirahan Pinalikas na ng Phivolcs ang mga residente sa mga lugar na nagkaroon ng bitak, ani Solidum gaya noong 1911 at 1754 na pagsabog ng Taal ay nagkaroon din ng bitak na kalaunan ay gumuho ang lupa sa loob kaya kailangan ilikas ang mga residente.

Ang mga fissure o bitak ay nangyayari dahil sa paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.

Kahapon ay nadagdagan pa ang bitak sa bayan ng Sinisian, Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang, Poblacion, Mataas na Bayan sa Lemery ; Pansipit, Bilibinwang sa Agoncillo; Poblacion 1, Poblacion 2, Poblacion 3, Poblacion 5 sa Talisay at Barangay Poblacion sa San Nicolas.

Habang patuloy ang nararamdamang lindol ay mataas ang tiyansa na lumalim ang bitak.

Sa talaan ng Phivolcs mula ala-1:00 nang hapon noong Linggo ay nasa 466 lindol na ang naitala, sa nakalipas na 24 oras ay nasa 159 lindol ang nai-record na may Intensity 1 hanggang 3.

“Iba ‘yung visual activity na nangyayari sa ibabaw, iba ‘yung nangyayari sa ilalim. Meron pa ring magmatic intrusion at ‘yun ‘yung dahilan ng mga lindol, ng mga bitak,” paliwanag ni Solidum.

Ani Solidum, nagpadala sila ng tao na titingin sa mga bitak subalit kanila na rin itong pina­balik dahil na rin sa nakaambang panganib.

“We are exposing people’s lives, the science is already clear about the correlation between fissures and volcanic activity,” ani Solidum.

Para masukat ang mga bitak nang hindi nalalagay sa pa­nganib ang mga kawani ng Phivolcs ay hihingi ng tulong sa mga international space organization ang ahensya.

“We will be tapping international space organizations to measure the fissures. Doing so would be safer.

“Using satellite technology, we can quantify the subsidence of the ground or if there is displacement,” paliwanag ni Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division chief Mariton Bornas. (Tina Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More