Una sa Balita

Taal ‘big bang’ nakaamba

0 662

NAITALA ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang 144 pagyanig sa paligid ng Bulkang Taal mula Enero 12, indikasyon na posibleng maganap na ang kinatatakutang ma­lakihang pagsabog ng bulkan.

Base sa advisory ng Philvolcs, dakong alas-4:00 nang hapon, naramdaman ang Intensity 1 hanggang 5 sa Tagaytay City, Alitagtag, Lemery, Santo Tomas at Talisay sa Batangas.

“Such intense seismic activity probably signifies continuous magma intrusion beneath the Taal edifice, which may lead to further eruptive activity,” ayon sa advisory.

Inilabas na rin ng Phivolcs ang listahan ng mga barangay sa mga bayan ng Batangas na apektado ng pagsabog ng Taal.

Nagbabala rin ang ahensiya na posibleng uma­bot sa anim na buwan hanggang isang taon ang pagsabog ng bulkan.

Ayon kay Phivolcs Volcano Monitoring Division chief Antonia Bornas, noong 1754 kung saan nagkaroon ng pagsabog ang Taal ay inabot ng 7 buwan ang pagbuga nito ng abo na may kasamamg mala­lakas na pagsabog habang noong 1965 buong taong nagkaroon ng pagsabog.

“Kailangan po talagang paghandaan ang ganito pong mga scenario. Maaari pong paulit-ulit nating maranasan ang pagputok ng bulkan ngayon pong nagsimula na siya,” paliwanag ni Bornas.

Sa magdamag ay higit 100 na lindol ang naramdaman sa paligid ng Taal kung saan 32 sa mga ito ay malalakas na nasa Intensity 5 at madaragdagan pa ito sa mga susunod na araw.

Hanggang magnitude 4 ang inaasahan ng Phivolcs.

Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum na ang lindol ay patuloy na mararamdaman bilang sen­yales na paakyat pa rin ang magma sa bunga­nga ng bulkan.

“It means there is continued movement of significant volume of magma. That can still persist as long as magma is still moving up the volcano,” paliwanag ni Solidum.

Nangangamba si Solidum na kung hindi hihinto ang sunod-sunod na lindol ay magpapalambot ito sa crater ng bulkan na magbabagsak naman ng malalaking bato.

“One concern with the continuous stronger shaking, slopes might be loosened along the crater wall of the bigger caldera. So people have to be cautious if their houses are in the steep slopes,” dagdag nito.

Volcanic tsunami sa Alert Level 5 Malaki ang posibilidad na magkaroon na ng volcanic tsunami sa oras na maitaas sa Alert Level 5 ang alert status ng Taal.

Ito ang pinangangambahan ng Phivolcs dahil magdudulot ito ng mas malaking pinsala lalo na sa mga residente malapit sa Taal Lake.

“‘Yung volcanic tsunami po, pwede po natin i-expect sa panahon na mag-intesify pa po lalo ‘yung pinapakita ng Taal ngayon sa Alert Level 5.

“It may occur in caldera lakes when water is displaced by deformation of the lake floor caused by rising magma,”paliwanag ni Phivolcs supervising science research specialist Winchelle Sevilla.

Pagdaloy ng magma sa mainland worst case scenario Isa pa sa pinangangambahan ng Phivolcs ay ang pagdaloy ng magma at mga volcanic matter sa mainland na posibleng umabot ng hanggang 14km.

“Worst case scenario is a pyroclastic density current,which is a cloud of hot gas and volcanic matter moving horizontally to the mainland. Based on our mapping, it could reach up to 14 kilometers from the main crater, affecting coastal towns around the volcano plus Lemery and Taal,” paliwanag ni Solidum.

Highway sinara ng DPWH Pansamantalang isinara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang national highway na papasok at palabas sa Taal Lake area sa hilagang bahagi ng Taal Volcano dahil pa rin sa pagsabog ng bulkan.

Mag-aalas otso ng Lunes nang umaga nang isara muna ng DPWH ang Tagaytay-Talisay Road at ang Tagaytay Taal Lake Road.

Ang Tagaytay-Talisay Road ang nag-uugnay sa Junction Tagaytay pababa sa bayan ng Talisay.

Nag-deploy na rin ang DPWH ng mga personnel na tutulong sa pagre-rescue sa mga apektadong bayan kabilang ang San Nicholas, Talisay, Balete, Agoncillo, Tanuan, at Laurel.

Maging ang Metro Manila Development Authority ay magpapadala na rin ng mga personnel sa Batangas para sa rescue at evacuation.

Samantala, patuloy ang mass evacuation sa mga bayan na nakapaligid sa Taal Volcano partikular ang mga nasa Taal Lake area.

Mahigit 10 bayan sa Batangas ang nakapaligid sa Taal Volcano kabilang ang mga bayan ng Tanauan at Talisay sa norte; Laurel, Agoncillo sa kanluran; Lemery, Taal, San Nicolas, Alitagtag at Cuenca Timog; at Mataas na Kahoy at Balete sa Silangan.

Halos lahat ng mga coastal barangay at ilan mga town proper ng mga nasabing bayan ay sakop ng mga high-risk area na inilabas ng Philvocs na nasa loob ng 14-kilometer radius mula sa main crater ng Taal.

Maging ang 25 libong evacuee na nasa mga evacuation center sa poblacion ng Taal na nasa labas na 14-kilometer radius danger zone ay muling inilikas patungo sa bayan ng Bauan dahil napektuhan na rin ang nasabing bayan.

Ang 10 libo namang mga evacuee na unang sumilong sa poblacion ng San Nicolas at maging ang mga nasa evacuation center sa Lemery ay ililikas naman patungong south sa bahagi ng Batangas City.

Patuloy naman ang pananawagan ng mga apek­tadong LGU sa mga karagdagang mga sasakyan na pwede pang magamit sa patuloy na dumara­ming gustong makalayo sa nag-aalburutong bulkan. (Tina Mendoza/Ronilo Dagos/Riz Dominguez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More