Una sa Balita

System glitch o hacking? BPI iimbestigahan ng Senado

0 5

Iimbestigahan ng Senado kung totoong system glitch lamang o nadale ng hacking ang Bank of the Philippine Islands (BPI) kung kaya’t nagkaroon ng ‘dagdag-bawas’ sa mga account ng depositors ng bangko.

Sa susunod na linggo maghahain ng resolusyon si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III upang mabusisi ng senate committee on banks, financial institutions and currencies ang nangyari sa BPI na pangatlong pinakamalaking bangko sa Pilipinas.

Nangako naman si Sen. Francis “Chiz” Escudero na agad siyang magpapatawag ng hearing oras na mai-refer sa kanyang komite ang resolusyon.

Ayon kay Pimentel, itinulak niya ang imbestigasyon dahil sa kahilingan ng mga depositors na hindi kumbinsido sa naging paliwanag ng BPI sa insidente.

Nagpaliwanag si BPI President Cezar Consing na nagkaroon lamang ng “internal data processing error” ang may transaksyon noong Abril 27 hanggang Mayo 2 at muling iprinoseso ng kanilang system noong Hunyo 6.

Dahil dito, ang mga kliyente na nagkaroon ng withdrawal noong Abril 27 hanggang Mayo 2 ay nabawasan ang kanilang account noong Hunyo 6, habang ang nagkaroon naman ng deposit sa nasabing petsa ay nadagdagan ang kanilang balanse.

Pagtutuunan umano ng pansin sa imbestigasyon ng Senado ang “security protocols” ng BPI, kung saan kailangan nilang ipaliwanag ng maayos sa publiko kung bakit nangyari ang aberya sa kanilang system.