Una sa Balita

Swimming-outing nauwi sa trahedya sa Rizal

By
0 1,154

Nauwi sa trahedya ang masaya sanang outing ng isang pamil­ya matapos malunod ang isang limang taong gulang na paslit, na lumangoy sa malalim na parte ng pangmatandang swimming pool sa bayan ng San Mateo, Rizal, ayon sa ulat.

Dead-on-arrival na sa Padre Pio Medical Center ang biktimang si Deniel Kaine Bernal, 5, at residente ng Block 2, Lot 51, South Ville, San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Batay sa naantalang ulat ni SPO1 Wilmer Privado, ng Rodriguez Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon noong Sabado nang maganap ang insidente sa loob ng Ciudad Christhia Resort, na matatagpuan sa Barangay Ampid I, sa San Mateo.

Nagkayayaan umano ang pamilya ng biktima na mag-outing sa naturang resort, na mayroon namang mga nakabantay na lifeguards.

Habang naliligo ang biktima kasama ang kanyang inang si Darlyn Mae, ay naisipan umano ng batang lumipat sa kabilang swimming pool, na isang adult swimming pool pala.

Hindi naman umano kaagad napansin ng ina at ng kanyang mga kaanak na lumipat ng pool ang bata sanhi upang malunod ito.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang lifeguard on duty na si Pablo Zonio at iniligtas ang bata at nilapatan ito ng first aid sa ­pagtatangkang ma-revive pa, ngunit nabigo sila.

Isinugod pa ang bata sa pagamutan ngunit patay na ito ng duma­ting doon.