Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 964

Ika-8 na labas

“Ah, sige tingin lang ako ha…” wala sa isip na sagot ni Debbie. Pero hindi naman pala siya ang tinitingnan ng estranghero kundi ang waiter na nasa likuran niya. Sinenyasan nito ang waiter na lumapit sa table nila.

Nakahinga siya ng maluwag. Wala naman siyang atraso sa lalaki basta ayaw lang niya na magkrus ulit ang landas nila lalo na ang muling magtama ang kanilang mga mata. Naging komportable lang siya nang makita niyang lumabas na ito kasama ng babae na siguro ay jowa nito.

“Bff, okay ka lang ba?” tanong ni Leni.

“Oo naman,ang sarap kaya nitong inorder mo!”

Matapos na kumain ay sa parlor na ang next destination nila. Hanggang sa wakas ay natapos rin ang araw na iyon.

Gabi. Hindi alam ni Debbie kung gaano katagal na siyang nakahiga sa kama niya. Nakatingin lang siya sa kisame at nagmumuni-muni. Ewan kung muni-muni ba talaga ang tawag do’n kasi wala naman siyang iniisip eh, walang laman ang utak niya sa mga sandaling ‘yon. Ang gusto lang niya ay katahimikan, lasapin ang katahimikang bumabalot sa apat na sulok ng kanyang silid. Nanatili siyang nakatitig sa kisame hanggang sa agawin ng antok ang kamalayan niya at tuluyan siyang mapapikit.

Kinabukasan. Hindi alarm clock ang gumising sa kanya kundi ang maingay na tunog ng cellphone. Dahil antok pa ay nanatili siyang nakapikit habang kinakapa ang cellphone na sa pagkakatanda niya ay inilagay niya sa gilid ng unan.

“Hello?” aniya nang hindi tinitingnan kung sino ang tumatawag.

“BFF!”

“O Leni, ang aga ha, alam ko na ‘yan eh, itsitsika mo na agad sa’kin ang meeting nyo ng Kano na’yon?”

“Sorry I can’t wait to tell you eh, alam mo naman na ikaw lang ang nasasabihan ko.”
“O sige na, nakikinig ako…”

“Ayun nga, akala ko hindi na siya darating eh, tapos nagulat ako kasi nasa likuran ko na pala siya!” excited sa pagkukuwento si Leni.

Nang biglang may nag-interrupt dito.

“Insan!” narinig ni Debbie ang isang boses mula sa linya ni Leni. Boses iyon ng isang lalaki.
“O, insan anong ginagawa mo rito? Kailan ka pa dumating?” boses naman iyon ni Leni na halatang nabigla.

“Nung isang araw lang, pwede ba kitang makausap?”

“Sige, wait lang.”

Binalikan ni Leni ang kaibigan sa phone.

“Bff Debs, pasensya na ha, dumating yung pinsan ko gusto raw akong makausap.”

“Bff, sa tinagal-tagal nating magkaibigan ngayon ko lang nalaman na may pinsan kang lalaki? Narinig ko ang boses niya.”

“Oo, kasi kailan lang din kami nagkakilala ng pinsan kong ito through fb, mahabang kuwento bukas na lang ha!”

“Okay sige, have a great day!”

“Take care, bye!”

Matapos magpaalaman ay bumalik sa pagtulog si Debbie. Hinihila pa kasi siya ng antok.

Related Posts

“George!” lumapit si Leni sa pinsan at niyakap ito. Yumakap din ito sa kanya.

“Grabe, binigla mo ako ha, but look at you, mukhang mas payat ka kaysa sa mga photos mo sa fb!” si Leni kasabay ng senyas sa lalaki na maupo sa sofa.

“Oo medyo stressed ako eh, and you are more beautiful in personal insan!… actually pinuntahan kita sa school na pinagtatrabahuhan mo noong isang araw pero nakauwi ka na raw. ”

“Talaga? E bakit hindi ka na lang dumiretso dito no’n, alam mo naman na pala ito?”

“May iba pa kasi akong naging lakad no’n eh, by the way, may importante kasi akong sadya sa’yo.”

“Parang bigla akong kinabahan ah!”

“Don’t worry, I’ll behave at hindi ako magi­ging pabigat sa’yo.”

“Okay… are you telling me na mag-iistay ka dito?” sabay sulyap ni Leni sa dalawang malaking bag na iniwan ni George sa pintuan.

“Ang galing mo insan, na-gets mo agad!”

Napahalukipkip si Leni.

“Teka, pwede bang bago ako sumagot ng oo, sagutin mo muna lahat ang itatanong ko?”
“Sure!”

Kinabukasan sa canteen ay hindi magkandatuto sa pagkukuwento si Leni tungkol sa naging pagkikita nila ng Amerikano. Nangigislap ang mga mata nito sa sobrang in love. Nakikinig lang si Debbie habang tuloy sa pagsubo ng kanin at ulam na adobong manok. Deep inside ay masaya siya sa kaibigan.

Ngayon na lang kasi niya ulit ito nakitang ganito kasaya dahil sa pag-ibig. Noon kasing nagsasama pa ito at ang asawa ay palagi na lang itong umiiyak sa kanya. Ang dalawang anak naman nito ay nasa mga magulang sa probinsya, tulad kasi niya ay nangungupahan lang din ito sa isang apartment na malapit sa school. Sana nga ay magkasama na lang sila sa iisang apartment, kaya lang mas mura ang upa niya sa apartment niyang nakasanayan na niya kaysa sa apartment ni Leni na pumapabor naman dito dahil malapit sa school.

Maya-maya ay naisipan ni Leni na isingit ang tungkol sa pagdating ng pinsan niya na ngayon lang niya nakilala in person.

“Ibig mong sabihin sa facebook lang kayo nagkakilala ng pinsan mo?” tanong ni Debbie.

“Oo, kasi yung daddy niya na long lost brother ng papa ko e nasa America na pala nanirahan, mahabang kuwento kung bakit sila nawalan ng komunikasyon, basta kaming dalawa ni George e nagkatagpo na lang sa facebook, tapos ayun nga sa wakas nagkita na rin kami tapos nakikiusap siya na mag-stay muna sa apartment ko habang nandito lang siya sa Manila.”

“Pumayag ka?”

“Oo naman, marami naman akong kondisyon na ibinigay sa kanya bago ako pumayag.”

“Okay. Kung nagtitiwala ka sa kanya, e di okay.”

“Hmm, ikaw naman parang nakaamoy ako ng pagdududa sa’yo ha!”

Napatigil sa pagsubo si Debbie.

“Hindi naman sa gano’n, nag-aalala lang ako dahil hindi mo pa masyadong kilala ang pinsan mong ‘yan, ingat na lang.”

Ngiti lang ang itinugon ni Leni.

Nang biglang magtatarang si Debbie dahil sa isang bagay na bumagsak sa kandungan niya.

“EEEEEE!” malakas na sigaw ng dalaga.

Isang palaka iyon na nahawakan pa niya at naibalibag sa kung saan. (Itutuloy)