Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 964

Ika-5 na labas

“Thank you ma’am, sige na baka hinihintay ka na ng mga estudyante mo.”

“Okay, pero ikuwento mo sa akin ng buo later ha?”

Ngiti lang ang isinagot ni Debbie sa kaibigan.

Matapos iyon ay nagpaalam na si Leni. Kumaway pa ito bago tuluyang lumabas sa pintuan. Adviser si Leni ng fourth year section one.

Nang mag-isa na lang sa library ay saka nakadama ng pag-aalala si Debbie para sa sarili. Ayaw lang niya iyon ipakita kay Leni para hindi na ito masyadong mag-alala, pero deep inside ay hindi niya maiwasang kabahan sa mga susunod pang mangyayari.

Kasi naman bakit ba sa dinami-rami ng oras e nagkataon pa na sabay sa paglabas nila sa banyo ang pagdaan ng dalawang guro na ‘yon na parehong judgemental! At ‘yung lalaki na ‘yon, nakakairita talaga ang dating sa kanya! Mayabang at bastos ang dila!

Related Posts

Nasa ganoong isipin si Debbie habang inaayos ang mga librong nasa table niya nang biglang bumungad ang lalaking kasalukuyang laman ng paghihimutok niya sa isip.

“Ikaw?” nakasimangot at kunot-noo niyang bungad dito.

“Oo, ako nga, alam ko na kasunod niyan eh, itatanong mo sa’kin kung anong ginagawa ko rito? Tama ako ‘di ba, at sasagutin ko naman na maniningil ako ng utang.” Nakangi­ting sagot ng lalaki habang papalapit sa kanya.

“Teka nga muna, sino ka ba at bakit ka malayang nakakalabas-masok dito sa school?”
“Wow, kahapon hindi mo naisip itanong ‘yan, kasi kailangan mo ng tulong ko, pero sorry, may bayad ang info tungkol sa’kin.”

Inis na inis si Debbie sa kadaldalan at kaantipatikuhan ng lalaki. Agad siyang dumukot ng pera mula sa wallet at iniabot sa lalaki ang isandaang pisong papel.

“O, ayan, maglaho ka na at ayoko nang makita ulit ang pagmumukha mo. Am I clear?”
“Naks naman ang sweet mo! Sige salamat! Very clear, kasing clear ng salamin mo sa mata!”

Pagkaabot sa pera at pagkasabi niyon ay tumalikod na ang lalaki para umalis. Nakasalubong pa nito ang isa sa dalawang guro na nakakita sa kanila kahapon palabas sa banyo. Sinundan siya nito ng tingin bago ito tuluyang pumasok sa loob.

Pagpasok sa library ay si Debbie naman ang makahulugang sinul­yapan ng guro. (Itutuloy)