Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 549

Ika-34 na labas

“I know, ikaw pa, kung gusto mong pag-usapan nandito lang ako, kung ayaw mo naman nandito pa rin ako, ako na lang ang magkukuwento sa’yo.”

Ngumiti si Debbie.

“Buti pa manood tayo ng DVD after nating kumain.”

Samantala. May kausap si George sa cellphone habang mag-isang kumakain sa kusina ng bahay ni Leni.

“Ano kamo ‘tol, babawiin mo ‘yung pera?” iritableng tanong ng kausap niya.

“Nabulilyaso ako eh, babawi na lang ako sa sunod na raket.”

“Alam mo pasalamat ka dahil hindi ko pa naibibigay kay boss, nasa Hawaii kasi siya ngayon, at kung wala lang akong utang na loob sa’yo, hinding-hindi kita gagawan ng pabor!”

“Alam ko ‘yon tol, so pa’no kelan mo ipapadala sa’kin?”

“Bukas na bukas din, pero bumawi ka ha, ito na ang una’t huling beses na magagawa mong bumawi ng pera!”

“Oo na, oo na…”

Ilang araw ang lumipas.

Gabi. Isasara na lang ni Debbie ang bintana nang mapatingin siya kay George na parating.
“Hindi pa rin ba siya nagsasawa?” tanong ng dalaga sa sarili.

Itinuloy niya ang pagsasara ng bintana. Isusunod na sana niya ang pinto pero naunahan siya nito.

“Wait lang Debs! Hindi naman ako magtatagal eh… ibabalik ko lang ‘to…”

Sabay abot ni George ng pera kay Debbie na ipinadala nito noon sa pangalan ng isang James Louis.

Walang salitang tinanggap ni Debbie ang pera at saka walang ingay na isinara ang pinto.

Napapailing si George pero wala siyang magawa.

Makalipas ang ilang buwan. Umuwi sa probinsya nila si Debbie para magpaalam sa mga magulang. Next week na kasi ang flight niya patungong Canada. Fruit picker ang magiging trabaho niya doon.

“Anak, mukhang biglaan naman yata ang pasya mo?” tanong ni Aling Minerva.

Related Posts

Magkakasalo sila sa tanghalian sa kusina ng ‘di kalakihan subalit kongkretong bahay ng mga Mendoza.

“E, naisip ko po kasi baka nasa ibang bansa ang kapalaran ko… ang tagal ko na rin po kasing librarian pero tingnan niyo, wala naman pong nangyayari sa buhay ko, sa buhay natin… buti nga po kayo dito kahit papa’no napapa-unlad niyo ni tatay ang bukid natin.”

Pagkarinig niyon ay nagkatinginan ang mag-asawang Minerva at Digno.

“‘Nay, ‘tay, may problema po ba?”

“H-ha…“nag-aalangan si Aling Minerva kung sasabihin sa anak ang tunay na kalagayan ng bukid nila.

“‘Nay ano pong problema?” ulit na tanong ni Debbie.

Si Mang Digno na ang sumagot.

“Ang totoo kasi niyan anak… nakasangla sa bangko ang bukid natin…”

Napahinto sa pagsubo ng kanin si Debbie.

“Nakasangla, kailan pa po? Pero bakit?”

“Kasi nagkasakit ang kapatid mo, tapos ang pamangkin mo, kinailangan namin ng malaking pera…” si Aling Minerva.

“Pero ‘nay, bakit hindi niyo po sinabi sa akin, ‘di ba pinapadalhan ko naman po kayo.”

“Iyon na nga anak, hindi ka pumapalya ng padala sa amin tuwing sahod mo, kaya naisip namin na kalabisan na siguro kung ilalapit pa namin sa’yo ang iba pa naming problema.

“Kilala niyo naman po ako ‘di ba, alam niyong hinding-hindi ko kayo matitiis.”

“Alam namin ‘yon anak, pero hindi naman pwedeng ikaw na lang ang pumasan sa lahat ng poproblemahin ng pamilya natin.” Ani Aling Minerva.

“Okay fine, basta ‘pag kailangan niyo ng tulong ko ‘nay, ’tay kontakin niyo lang po ako.”

“Ate, sana mahanap mo na ang kapalaran mo doon sa Canada!” singit ni Biboy. Ang pitong taon at bunsong kapatid ni Debbie. Apat silang magkakapatid, siya ang panganay, sunod si Maymay na 25 years old at si Don na 17.

“Kaya nga ako mag-a-abroad para malaman kung anong kapalaran ko do’n.”

“Ate, ang ibig kong sabihin ‘yung kapalaran mo, ‘yung jowa!”

“Ssshhh!” saway ng ina.

“Hoy ikaw Biboy ha, ang bata-bata mo pa alam mo na agad ‘yang jowa-jowa na ‘yan, ako nga tumanda ng ganito hindi ko pa alam ‘yan eh!” saway ni Debbie sa kapatid na may kahalong biro.

Muli ay sumagi sa isip ni Debbie ang naudlot niyang pag-ibig. At hindi niya maiwasan na makadama ng lungkot. (Itutuloy)