Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 968

Ika-30 na labas

Kinabukasan ay hindi pa rin nakapasok si Debbie. Pero bumangon na siya. Matapos maligo ay nagprito siya ng hotdog at sinangag.

Nang maihain niya ito sa mesa ay hindi naman siya makakain. Nangalumbaba siya sa mismong harapan ng pagkain kahit alam niyang masama ito at hindi rin ito magandang tingnan. Kung nakabibingi man ang katahimikan malamang ay nabingi na siya. Ni ang insekto kasi ay nahihiyang mag-ingay sa mga sandaling iyon. Tila nakikisimpatya sa kalungkutang nararamdaman niya.

Nagulat pa ang dalaga nang biglang may pusang lumandag mula sa labas papasok sa bintana ng kusina.

“Ay pusang baliw!” nasambit niya.

Ang pusang lumundag ay sinundan ng isa pang pusa at tila mga taong nagharutan ang mga ito nang mag-abot. Napahugot nang malalim na buntong hininga si Debbie. Tumayo siya at kumuha ng walis tambo, iniamba niya ang tambo sa dalawang pusa kaya nagpulasan ang mga ito at lumundag pabalik sa bintana.

Nang wala na ang mga pusa ay saka niya ibinalibag ang tambo palabas sa bintana. Wala siyang intensyong saktan ang mga pusa, dala lamang iyon ng inis na naghahari pa rin sa dibdib niya.

Nang biglang bumalik ang walis paloob. Nagulat pa si Debbie at takot na napatingin sa tambo.

“G-ginantihan ba ako ng mga pusang ‘yon?” kinakabahan niyang tanong sa sarili.

Marahan niyang dinampot ang walis tambo at dahan-dahan ding humakbang palapit sa bintana. Mahigpit ang hawak sa walis tambo at nakaamba na tila handang makipaglaban.

Subalit pagdungaw niya ay…

“Ikaw!”

Sumungaw ang ulo ni George mula sa bintana.

“Kanina pa ko katok nang katok hindi mo ako pinagbubuksan, nakita kong bukas ang bintana at may humagis na walis.”

“Anong ginagawa mo rito?”

“Debbie, mag-usap ulit tayo…”

“Nalaman ko na ang gusto kong malaman, wala na tayong pag-uusapan.”

“Marami pa akong gustong sabihin sa’yo.”

“I-pm mo na lang.”

Related Posts

“Pero hindi ka na nag-oonline…”

“Bakit George, may naisip ka na naman bang kasinungalingan na gusto mong paniwalaan ko?”

“Debs, pwede bang papasukin mo muna ko?”

“Hindi. Hindi ka na ulit makakapasok sa buhay ko kahit kailan!”

Pagkasabi niyon ay tinalikuran na ni Debbie ang binata at pumasok sa kuwarto niya.

“Pambihira, dinalehan pa ko ng hugot! Sa bahay lang naman gusto kong puamsok, buhay agad?” kakamot-kamot na sabi ni George sa sarili.

Luminga ang binata. Naghahanap ng paraan kung paano siya makakapasok sa loob. Medyo mataas ang bintana para doon siya dumaan kaya naghanap siya ng matutuntungan.

Naalala niya ang malaking bato na inupuan niya na nasa harapan ng pintuan ng apartment. Kinuha niya iyo at ipinuwesto sa tapat ng bintana saka tinuntungan. Muntik kapusin pero kaya nang talunin.

“Debbie, here I come!” aniya kasabay nang paglundag sa loob na parang pusa.

Napatingin si George sa almusal na nakahain sa mesa. Wala itong bawas.

“Tsk! Tsk! Naistorbo ko yata ang almusal niya…”

Kinuha ni George ang pinggan at sinandukan iyon ng sinangag at hotdog.

“Tomguts na rin ako, kung ayaw niya ako na lang ang kakain nito.”

Naupo ang binata at inumpisahan nang kumain. Subalit nakakaisang subo pa lang siya ay napahinto na siya. Binitawan niya ang tinidor na may nakatusok na hotdog at nilingon ang direksyon patungong silid ng dalaga.

“Ano kaya ang dapat kong gawin para mapatawad niya ako?”

Sa mga sandaling iyon ay muling nakalugmok si Debbie sa kama niya. Nakadapa siya ng higa habang patuloy sa muling pagpatak ang mga luhang tila hindi paaawat.

Maya-maya pa ay narinig niya ang mahihinang katok. Napatingin siya sa pintuan. Ang mga katok ay sinundan ng pagtawag ni George.

“Debs? Debbie?”

Napakunot noo ang dalaga.

“Paano siya nakapasok?” tanong niya sa sarili. (Itutuloy)