Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 549

Ika-29 na labas

“Siguro sa tuwing magme-message ako e pinagtatawanan niya ko! Ang stupid stupid mo Debbie!” kausap ni Debbie sa sarili habang umiiyak. “Bakit ba ang tanga-tanga mo? Bakit ka nagpakatanga sa isang tao na ni hindi mo pa nakita ni sa video chat? Desperado ka na ba talagang magka-lovelife?”

Kulang na lang ay sabunutan ng dalaga ang sarili sa sobrang galit na nararamdaman.

Sobrang galit din sa sarili ang nararamdaman ni George. Hindi niya akalain na sa pagkakatuklas ni Debbie sa katotohanan ay makakaramdam siya ng ganito. Akala niya ganoon lang kadali ang lahat. Dahil sa nagawa niya hindi lang sarili niya ang sinira niya kundi maging si Debbie. Dati na nga itong inis sa kanya, ngayon ay hindi na lang ito basta inis sa kanya kundi isang malalim na galit.

Tinungga ni George ang laman ng bote ng alak. Ilang basyo na ang naitumba niya pero hindi niya maramdaman na nalalasing siya dahil sa labis na pag-aalala sa dalaga.

Hindi rin niya alam kung gaano katagal na siyang nakaupo sa ilang baitang na hagdanan ng bahay ni Leni.

“George…” si Leni mula sa likuran.

Nanatiling nakaupo ang binata at ni hindi nilingon ang babae.

“Insan, sorry ha, sa nagawa ko sa kaibigan mo…” aniya na nakatingin sa kawalan.

“Alam mo insan, hindi sapat ang mga sorry kahit ilang libong beses mo pa itong banggitin… ang totoo nga niyan gusto na kitang palayasin, kasi matapos kitang patuluyin sa bahay ko nagawa mo pa ito sa isang tao na alam mo namang mahalaga sa’kin… kaya lang hindi ko gagawin na palayasin ka, kasi gusto ko sanang makiusap sa’yo na kung pwede ayusin mo ang problemang nilikha mo, na tulungan mo ang bestfriend ko na mapatawad ka. Kung anuman ang paraan na maisip mo bahala ka, basta ang gusto ko, maayos ang gusot na ‘to as soon as possible…”

“’Wag kang mag-alala insan, aayusin ko ang lahat, pagkatapos babalik na ako sa America…”
“Pero hindi lang si Debbie George, pati ang sarili mo, iwanan mo na ang grupo na ‘yan, hindi ka ba nakokonsensya?”

Hindi kumibo ang binata.

“Kung ito ang paraan mo ng pagsira sa buhay mo dahil lang sa galit mo sa daddy mo, pwes mali ang paraan mo George, kaya habang may pagkakataon pa gawin mo na ang tama.”

Related Posts

Pagkasabi niyon ay tumalikod na si Leni at bumalik sa silid.

Naiwan ang lalaki na nasa malalim pa ring pag-iisip.

Kinabukasan. Inaasahan na ni Leni na hindi makakapasok si Debbie kaya iniisip niyang puntahan ito mamaya sa apartment pagkatapos ng klase niya.

Nalungkot naman ang grupo ni Ram nang makitang sarado ang library.

“Kung gagamit kayo ng library kunin n’yo na lang ang susi kay Mrs. De Guzman, tapos ibalik n’yo rin sa kanya pagkatapos.” Ani Leni nang makita sina Ram na mula sa library.

“May babasahin lang po sana kami ma’am, pero ‘di bale na lang po sa google na lang.” sagot ni Ram.

“’Wag kayong masyadong tiwala sa google, hindi lahat ng nandoon ay tama.”

“E ma’am, bakit po ba absent si Madam Debs?” tanong ng isa.

“May sakit siya.”

Nagkatinginan ang mga estudyante. Kung ano ang laman ng isip nila, sila na lang ang nakakaalam no’n.

Samantala. Maghapon nang nakahiga si Debbie sa kama niya. Ni hindi pa siya naliligo at wala rin siyang ganang kumain. Nakapagkit sa isip niya ang palitan nila ng mga mensahe ni James Louis. Ang matatamis nitong salita. Ang pangakong pag-ibig sa kanya. Ang mga pangarap na sinimulang buuin sa puso’t isipan niya.

Maya-maya ay hindi namalayan ng dalaga na tumutulo na naman pala ang mga luha niya.

“Sige lang Debs, iiyak mo na ‘to lahat ngayon… ngayong araw na ‘to, tapos bukas tama na ha, hindi mo ‘to deserve! At mas lalong hindi deserve ng taong ‘yon na iyakan mo nang husto ang panloloko niya sa’yo!”

Tumihaya ng higa si Debbie at tumingala sa kisame. Nakita niya ang dalawang butiki na tila naglalambingan.

“Talagang sa harapan ko pa kayo naglambingan ha!” kunot noong kausap niya sa mga butiki.
“Buti pa kayo may lovelife…” bulong pa niya. (Itutuloy)