Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 964

Ika-27 na labas

“Sagutin mo nga ako George, a-anong kinalaman mo kay James?…siya ba at ikaw ay…” mahinahon pero nanginginig ang boses ni Debbie.

Hindi makasagot si George. Subalit sapat na ang reaksyon ng mukha nito para malaman ni Debbie ang sagot.

Nagmamadaling humakbang ang dalaga palabas ng bahay ni Leni. Walang lingon-likod na mabilis siyang lumayo sa lugar na iyon.

Hindi naman nagtangkang humabol si George. Naiwan siyang tulala at hindi makapaniwala na naganap na ang ayaw niyang maganap.

Habang sakay ng jeep pauwi ay sige sa pagpatak ang luha ni Debbie. Inaagapan niya iyon ng pagpahid ng panyo. Inookupa ng mga katanungan ang isip niya. Mga tanong na nakaambang dumurog sa puso niya.

Nanghihina man ay batid ni Leni na may hindi magandang nangyari sa pagitan nina George at Debbie. Nakasilip siya mula sa kuwarto.

Napatingin sa kanya si George.

“George, mag-usap tayo.” Mahinang sabi ni Leni.

Pumasok ito sa kuwarto. Sumunod naman ang binata. Naupo si Leni sa gilid ng kama niya.
“Sabihin mo sa akin George, ang lahat…”

“Insan…”

“Handa akong makinig sa’yo.”

“Okay…”

Pagkarating sa bahay ay tila pagod na pagod na ibinagsak ni Debbie ang katawan sa kama. Kahit malambot ang higaan, pakiramdam niya ay napakatigas niyon sa sobrang bigat ng nararamdaman niya.

“Ilusyon lang ba ang lahat? Hindi totoo si James? Pero paano nangyari ‘yon? paano?”

Alam ni Debbie na hindi siya matatahimik. Kailangan niyang malaman ang totoo, ang puno’t dulo ng mga pangyayari.

Related Posts

Bumangon si Debbie at hinarap ang sarili sa salamin.

“Debs, kalma ka lang, kailangan mong ma­ging strong, bago ang lahat kailangan mo munang malaman ang lahat ng gusto mong malaman, kailangan munang masagot ang lahat ng katanungang gumugulo sa isip mo ngayon…keri mo ‘yan Debs…hindi pa magugunaw ang mundo!”

Matapos kausapin ang sarili sa harap ng half body mirror ay inayos naman niya ang sarili para puntahan ang taong makakasagot sa lahat ng tanong niya.

Sa mga sandaling iyon ay papunta si George sa apartment ni Debbie. Ayaw niyang lumipas ang gabi nang hindi niya ito nakakausap.

On the way rin si Debbie papunta naman sa apartment ni Leni. Desidido niyang makausap si George. Subalit nadisappoint siya nang malamang umalis ito.

“Hindi ko alam kung saan siya nagpunta bff, pero sinabihan ko siya na ayusin kung anuman ‘yung hindi nyo pinagkaintindihan.” Ani Leni habang magkaharap sila sa sofa.

“M-may alam ka ba? may sinabi ba siya sa’yo?”

“Basta ang alam ko meron kayong hindi pagkakaunawaan…” pinili ni Leni na huwag na munang magsalita kahit nasabi na sa kanya ni George ang problema. Gusto kasi niyang si George mismo ang magpaliwanag kay Debbie. Pero hindi siya sigurado kung saan pumunta ang binata paglabas nito kanina matapos nilang mag-usap.

“Bff, sorry talaga kung basta na lang ako umalis kanina ha…”

“Wag mong intindihin ‘yon, saka medyo okay na’ko, sinat na lang.”

Hindi nakatiis si Debbie, Ipinagtapat niya kay Leni ang natuklasan niya kanina. Hindi rin niya naiwasang maiyak. Isang mahigpit na yakap naman ang tanging naging tugon ni Leni.

Wala siyang maisip na salita na makakapag-comfort sa bigat ng damdaming dinadala ngayon ng matalik na kaibigan. Hindi naman niya maipagtatanggol si George dahil alam niya ang kamalian nito. Sa tingin niya, wala pa siya sa posisyon para makialam sa dalawa, Hihintayin muna niyang makapag-usap ang mga ito.

Hindi nagtagal at nagpaalam na rin si Debbie. Umuwi siyang dala pa rin ang bigat sa dibdib.

Gabi na kaya madilim na ang harapan ng apartment niya. Hindi niya agad napansin si George na nakaupo sa isang batuhan sa harap mismo ng pintuan. Agad itong tumayo nang makita siya.

“D-Debbie…”

Walang salitang lumabas sa labi ng dalaga. Pero ang mga tingin niya ay sapat na upang maramdaman ng binata ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Ang poot sa dibdib.

Dumiretso siya sa pintuan at binuksan iyon. Hinayaan niyang bukas ang pinto dahil gusto talaga niyang sundan siya ni George at kausapin ito. Pagpasok sa loob ay pahagis niyang inilapag sa sofa ang shoulder bag. At saka humarap sa binata. (Itutuloy)