Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 964

Ika-26 na labas

Walang sagot.

“Insan?”

Wala pa ring sagot.

Dahil hindi naman naka-lock ang pinto ay maingat itong binuksan ni George at sumilip sa loob. Nakatagilid ng higa si Leni.

“Insan, mukhang napapasarap ka ng tulog, tanghali na po, baka ma-late ka sa school,” ani George habang palapit sa babae.

Wala pa rin siyang nakuhang tugon. Nang makalapit ay sinalat ng binata ang noo ni Leni at doon niya nakumpirma ang kutob.

“May lagnat ka, sabi ko na nga ba eh…”

Saglit na nag-isip si George bago muling nagsalita habang marahang ginigising si Leni.

“Leni, gumising ka, aalis lang ako saglit, ibibili kita ng gamot, teka gusto mo ba ibili rin kita ng lugaw?”

“H-ha? sige, insan pakisuyo na lang ha…”

Palabas na ng kuwarto si George nang muli siyang tawagin ni Leni.

“George…”

“Bakit?”

“Pwede bang pakitawagan mo si Debbie, pakisabi mo sa kanya na hindi ako makakapasok ngayon, siya na ang magpaparating no’n sa principal.”

“Okay.”

“Gamitin mo ang cellphone ko.”

“Okay.”

Nang matanggap ang tawag mula kay George ay nag-alala si Debbie sa kaibigan.

“Pakisabi mo na lang sa kanya na pupuntahan ko siya mamaya after work.”

“Sige, makakarating.”

“George, uminom na ba siya ng gamot?”

“Yes madam!”

“Teka, anong kinain niya? Ibili mo na lang siya ng arozcaldo paborito niya ‘yon!”

“Yes madam!”

“At saka paki-check mo na lang siya maya’t-maya kung umiigi ba siya, may thermometer naman siya diyan!”

“Yes madam!”

“Niloloko mo ba’ko?”

“Pa’no mo naman nasabi, sinasagot ko lang naman ang tanong mo.”

“Okay fine, siguraduhin mo lang na naiintindihan mo ang mga sinabi ko ha!”
“Yes madam!”

Related Posts

Inis na tinapos na ni Debbie ang pakikipag-usap sa lalaki.

Natatawa naman si George.

“Grabe kung magbilin siya, akala mo batang paslit ‘yung may sakit, ano pa kaya kung anak niya ‘yon?”

Hapon.

Matapos ang trabaho ay dumaan muna sa palengke si Debbie bago dumiretso sa bahay ni Leni. Ilang ulit siyang kumatok pero walang nagbubukas ng pinto.

“LENI? GEORGE?”

Walang tugon. Pinihit niya ang seradura.

“Nye, nakabukas naman pala!”

Pumasok na si Debbie. Inilapag niya ang dalang prutas sa mesa. Kumatok muna siya bago pumasok sa silid ng kaibigan na bahagyang nakabukas.

“Bff?”

Tulog si Leni. Naupo siya sa gilid ng kama  at sinalat ang noo nito. Hindi na ginising ni Debbie ang kaibigan, hinayaan niya muna ito sa pagtulog. Lumabas siya ng kuwarto at hinanap si George sa kabahayan.

“George?”

Wala ito sa kusina. Sinubukan din niya itong katukin sa silid pero wala naman siyang nakuhang tugon.

“Baka lumabas saglit…siguro nga, kasi bukas ang pinto eh…” kausap ni Debbie sa sarili.

Nang bigla siyang makarinig ng tunog ng cellphone. Hinanap niya kung saan nanggagaling ang tunog. Sa wakas ay nakita niya ang cellphone na nakapatong sa ibabaw ng isang pang-corner na tokador. Nag-dalawang  isip siya kung dadamputin ba niya o hindi, pero tuloy iyon sa pagtunog kaya naisip niya na baka importanteng tawag iyon.

Kinuha niya ang cellphone at dinala sa room ni Leni.

“Bff, sasagutin ko na ha, baka importante itong tumatawag sa’yo eh…”

Walang tugon. Sinagot na nga ni Debbie ang tawag sa cellphone. Pero hindi agad siya nagsalita. Sinadya niyag paunahing magsalita ang nasa kabilang linya.

“Hello, tol naideposit mo na ba ‘yung pera?”

Hindi siya makasagot. Napatingin siya sa cellphone na hawak at nagulat siya nang mapansing kaparehas lang pala iyon  ng black cellphone  ni Leni  pero hindi iyon kay Leni.
“Hello George?” muling salita ng nasa kabilang linya.

“Hello?” ulit nito.

Dahil hindi alam ang sasabihin ay nagpasya si Debbie na patayin na lang ang tawag. Medyo sensitibo kasi ang tinatanong nito at ayaw niyang ma-involve sa ganoon. Sasabihin na lang niya kay George ang totoo at bahala na itong kumausap sa lalaking tumawag.

Ibabalik na sana niya ang cellphone kung saan niya ito kinuha nang mapansin niyang naka-open pala ang Messenger ng Facebook nito. Hindi niya sinasadyang mabasa ang pinakauna sa mga message nito.

“D-Devorah?…h-have a restful night. Sweet dreams?…”

Natulala si Debbie. Namamalikmata ba siya? Nakita ba niya ang pangalan niya sa Messenger ni George? At ang mga message nila ni James kagabi lang? Paano mangyayari ‘yon? Possible ba ang nasa isip niya?

Puno ng kabang iniscroll pa ni Debbie ang mga messages at hindi nga siya maaring magkamali, iyon ang mga eksaktong palitan nila ng mensahe ni James Louis!

Nanginig ang buong katawan ng dalaga, Nanlambot ang mga tuhod niya. Para siyang binuhusan ng pinagsamang kumukulong tubig at bloke-blokeng yelo.

Iyon ang eksaktong inabutan ni George na bumungad sa pintuan.

“DEBBIE!” napatingin agad si George sa cellphone niyang hawak ng dalaga.

Agad lumapit ang binata para kunin ang cellphone.

“Hindi ko alam na pakialamera ka pala!” nakatawa niyang sabi.

Pero hindi niya nakuha ang cellphone mula sa kamay ni Debbie. Iniwas iyon ng dalaga. (Itutuloy)