Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 965

Ika-24 na labas

Masayang ibinalita ni Debbie kay Leni ang tungkol kay James. Pero taliwas sa inaasahan niya ang reaksyon nito. Natigilan si Debbie sa paglalakad habang patungo sila sa canteen.

“O teka, bakit parang hindi ka yata natuwa?”

“Natuwa, syempre Oo, kaya lang nalungkot din ako ng konti kasi…”

“Kasi ano?”

“Kasi balak ko sanang ilakad sa’yo ang pinsan ko…”

Natawa si Debbie.

“Ano? Ang kumag na ‘yon?”

“Maka-kumag ka naman diyan, pinsan ko ‘yon no!”

“Okay fine, sorry, pero una sa lahat wala naman siyang gusto sa’kin at hindi naman niya ako nililigawan, secondly alam mo namang hindi kami magkasundo, so saan mo nakuha ang idea na ‘yan?”

“Hindi ko rin alam, basta naisip ko lang na bagay kayo.”

“Patawa ka rin ano, ikaw talaga bff.”

Naiiling na nauna nang pumasok sa canteen si Debbie.

Mula nang sagutin ni Debbie si James ay wala nang humpay ang naging palitan nila ng mga sweet messages. Walang araw na hindi sila nagkakausap ng matagal over the net. ‘Yun nga lang hindi pa rin nakikipag-usap sa skype si James at iginigiit pa rin nito malapit na silang magkita in person kaya huwag daw mainip si Debbie.

Kung minsan ay nakakaramdam ng pagdududa ang dalaga sa tunay na katauhan ng nobyo pero mas nangingibabaw sa kanya ang espesyal na nararamdaman para dito kaya isinasantabi na lang niya ang anumang pagdududa na sumusulpot sa puso niya paminsan-minsan.

Habang tumatagal naman ay lalong nahuhulog ang loob ni George kay Debbie. Madalas pa rin niya itong bisitahin sa library. Kahit pa ang tingin nito parati ay iniinis lang niya. Dahil sa madalas na pagpunta ni George sa library ay nalilimitahan naman ang pang-aasar ng grupo ni Ram sa dalaga. Pero hindi ibig sabihin no’n ay ikinatutuwa na ng dalaga ang existence niya.

Dahil in love ay ang ganda-ganda ng tingin ni Debbie sa paligid niya, mapa-trabaho man o nasa bahay lang siya. Ang bawat oras na dati ay kinaiinipan niya, ngayon ay kinasasabikan na niya. Nagkaroon ng kulay ang dati ay mapusyaw niyang mundo. Ni katiting na espasyo ay hindi makasingit ang kalungkutan sa puso niya na pinaghaharian ngayon ng pag-ibig. Pag-ibig na higit pa sa isang estranghero…

Hanggang sa isang araw…

“I’m sorry Debbie… I maybe out of fb soon…”

“But why?”

“Because, I think I have to sell some some of my furnitures and important things like computer…”

“And why?”

“I didn’t tell you about this, but I think I have to tell you now… our company had shut down a month ago… I’ve tried to find a new work but I am not lucky this time… all my savings are almost gone… my wallet is almost empty… sorry for loading you this kind of sh*t but I promise I’ll be back on net when I fix all my problems.”

Saglit na nag-isip si Debbie…

Related Posts

“James, do you need my help?”

“Knowing that you’re still there waiting for me, you’re already helping me.”

“I know, but I think I can help in you in some other way.”

“In what way?”

“I’ll send you money.”

Hindi agad nag-reply si James. Maya-maya pa’y…

“Debbie, my love, I don’t want you to think that I am after your money, however I can accept your help, but it doesn’t mean I am not gonna pay you back. I will be forever thankful for your kindness.”

“It’s okay James. I have my savings and I am willing to help you, the best that I can.”

Hindi na pinag-isipan ni Debbie ang sumunod niyang hakbang. Agad siyang nag-withdraw sa bangko para may maipadalang pera sa chat mate turned bf niyang si James Louis.

“Okay lang ‘yan Debs, maliit na halaga lang naman kumpara sa nararamdaman mong saya…” kumbinsi ni Debbie sa sarili habang palabas ng bangko.

Ang pagpapadalang iyon ni Debbie ay nasundan pa ng ikalawang beses bago niya iyon ipinaalam kay Leni.

“HUWAAATTT?” nanlaki ang mga mata ni Leni sa sinabi ng kaibigan habang nasa loob sila ng isang coffee shop.

“E bff, gusto ko lang naman siyang matulu­ngan…”

“Okay, nando’n na ko, gusto mong tulungan kasi mahal mo, kasi napapasaya ka niya, pero naisip mo ba na itong tao na ito ni ayaw magpakita sa’yo sa skype? Gaano ka kasigurado na totoo lahat ang sinasabi niya sa’yo?”

Natigilan si Debbie.

“May point ka naman bff…” mahinang tugon ni Debbie.

Hinawakan ni Leni ang kamay ng kaibigan.

“Alam mo Debs, nung una mong sinabi sa akin ang tungkol sa James na ‘yon, natuwa ako, kasi nakita ko ang kislap sa mga mata mo, nakita kong masaya ka kaya hindi ako kumontra, kasi sabi ko sa sarili ko baka katulad din siya ni Mark ko na isang matinong Amerikano na na-in love sa Pilipinang gaya ko… pero ngayong may pera nang involve parang nakakapagduda ‘di ba? hindi naman sa hinahadlangan ko ang kaligayahan mo bff, pero baka naman pwedeng lie low ka muna diyan, mag-obserba ka muna… ayokong may pagsisihan ka sa huli or masaktan ka, lalo at sa tinagal-tagal ng panahon e ngayon ka lang nakaramdam ng ganyan ‘di ba?”

“Naiintindihan kita bff, masyado ba kong na-excite kasi ngayon lang may nagparamdam sa akin ng ganito?”

“Ikaw lang ang makakasagot niyan… ang maipapayo ko lang bilang bff mo eh, be smart and take extra care para sa puso mo.”

Ininom ni Debbie ang natitira pang kape sa tasa niya kasabay ng malalim na pag-iisip.

Nang muli silang mag-chat ni James ay tila nalimutan naman ni Debbie ang mga agam-agam niya.

“I would like to thank you for the money that you sent, because of that I don’t have to sell my computer.”

“You’re welcome James… can you give me a favor?”

“Sure. What favor?” (Itutuloy)