Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 964

Ika-23 na labas

Nagulat si Debbie nang marinig ang boses. Napalingon siya.

“George! Hanggang dito ba naman sa simbahan?”

“Ssshh, hinaan mo ang boses mo, nakakaistorbo ka ng mga nagdarasal.”

“Ano bang ginagawa mo dito?”

“May pinuntahan ako malapit dito eh, nakita kitang pumasok ng simbahan kaya sinundan kita, aayain sana kitang mag-merienda diyan lang sa malapit na resto, kaso kanina pa tapos ang misa pero hanggang ngayon nandito ka pa rin, gaano ba kahaba ang listahan ng hinihiling mo kay Lord at ang tagal-tagal mong magdasal, o siguro ang dami mong kasalanang inihihingi ng tawad ano?”

Inis na tumayo si Debbie at nag-antanda bago nagsimulang lumakad palabas ng simbahan.
Nakasunod agad si George.

“Debs, wait!”

“Pwede ba George, tigilan mo na ko!”

“Eto naman, minsan lang ako mag-aya saka libre ko naman eh!”

Tumigil sa paglakad si Debbie.

“Ikaw? Manglilibre?”

Nag-swear to God si George.

Related Posts

“Paano kung sabihin ko sa’yong ang gusto ko doon sa magandang restaurant na hindi ko pa napapasok?”

Saglit na natahimik ang lalaki, pero pagkuwa’y…

“Sige, call!”

Napangiti ng makahulugan si Debbie.

Humantong sila sa isang magandang restaurant na gaya ng gusto ni Debbie. Dahil inis sa lalaki ay umorder nang umorder ang dalaga ng lahat ng magustuhan niya, hindi na niya tinitingnan kung magkano man ang presyo nito at nag-request pa siya ng take-out kay George.

“Mukhang enjoy na enjoy ka ah,” si George.

“Oo naman, so ano masusundan pa ba itong paglabas natin?” nang-iinis na tanong ng dalaga.

“Sure, anytime na gusto mo.”

“Talaga lang ha?”

Halos hindi makakain nang mabuti ang binata. Pinagmamasdan lang nito ang dalagang kumakain na tila sinasadya ang pag-order ng madami.

Nang gabing iyon ay desidido na ang dalaga. Sasagutin na niya si James Louis.

“Hello James… finally I’ve made this decision… I don’t know if this is right or wrong but there’s one thing I was sure of, and that is how I feel for you… Yes James Louis, I love you too…”

Agad nag-reply ang ka-chat.

“Oh, I can’t believe this, but this is the best thing that ever happen to me, I love you more Debbie, I will prove that to you!”

Masayang-masaya si Debbie sa gabing iyon. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Para siyang nakahiga sa ulap habang ka-chat ang lalaking nagpatibok sa puso niya sa pamamagitan lamang ng internet conversation. (Itutuloy)